Nakalikom ang Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng kabuuang 74 bags ng dugo sa isinagawang 3rd Quarter Bloodletting Activity ngayong Miyerkules, Setyembre 18, 2024.
Ang aktibidad ay ginanap sa Robinsons Mall Tuguegarao City sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross-Cagayan Chapter.
Kabilang sa mga naging blood donor ang mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), iba pang ahensiya ng gobyerno, at ilang walk-in donors.
Naitala ng PHO ang 118 indibiduwal na nagpahayag ng pagnanais na makapag-donate ng dugo subalit 44 dito ang deffered o diskwalipikado.
Ayon kay Ma. Lourdes Bangan, Asst. Blood Services Coordinator ng PHO, kabilang sa mga naging dahilan na hindi naging kwalipikadong donor ang mga ito ay dahil sa mababang hemoglobin, mataas ang blood pressure, kulang sa tulog, at iba pang karamdaman.
Ayon sa pamunuan ng PHO ang bloodletting activity ay bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ng pamahalaan upang palakasin ang serbisyong medikal at masigurong sapat ang suplay ng dugo sa probinsiya para sa mga pasyenteng lubos na nangangailangan ng blood transfusion.
Kasama rin aniya rito ang layuning pataasin ang kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng regular na pagbibigay ng dugo, kung saan hindi lamang ito nakatutulong sa iba kun’di mayroon ding benepisyong maidudulot sa kalusugan ng bawa’t donor.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ng PHO sa mga nakibahagi para suportahan ang naturang aktibidad.
Aasahan naman na magtutuloy-tuloy ang kaparehong aktibidad sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng inisyatibo ng pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangang medikal ng mamamayan.