Matagumpay na nabigyan ng fishing gears o gamit sa pangingisda ang 2,409 na mangingisdang Cagayano na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa lalawigan mula sa Provincial Government of Cagayan (PGC) nitong nagdaang buwan ng Agosto hanggang sa unang linggo ng Setyembre, 2024.
Sa datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng PGC, nahatiran ang mga mangingisda sa mga bayan ng Abulug, Aparri, Ballesteros, Buguey, Calayan, Camalaniugan, Claveria, Gonzaga, Lal-lo, Pamplona, Sta. Ana, Sta. Praxedes, at Sta. Teresita.
Ayon kay Engr. Pearlita P. Mabasa, Farm School Administrator at Overseer of Agriculture Programs & Projects ng PGC, nasa 1,675 na fisherfolk na may ari ng fishponds ang inabutan ng tulong; 496 fisherfolks na pumapalaot sa karagatan, at 238 na mangingisdang gumagamit ng fish cage ang binigyan ng fishing gears.
Ang pamamahagi ng tulong ay inisyatibo ni Governor Manuel N. Mamba upang tuloy-tuloy na mabigyan ng suporta ang sektor ng mangingisda na biktima ng mga hindi inaasahang kalamidad.
Dagdag pa rito, ang pondo sa mga ibinahaging tulong ay mula naman sa donasyon na P15 milyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang personal na tinanggap ni Gov. Mamba ang nasabing tulong noong nagsadya rin ang Pangulong Marcos sa probinsya ng Isabela. (Susan L. Mapa)