Nagbigay na abiso si Governor Manuel N. Mamba sa lahat ng department heads ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang paghandaan na ang panahon ng tag-ulan sa Cagayan. Ito ay bunsod rin sa inilabas kamakailan ng DOST-PAGASA kung saan ay panahon na ng tag-ulan.

Panay rin ang abiso at babala ng PAGASA sa mga localized thunderstorm at epekto ng sama ng panahon kaya’t may mga pag-uulan na nararanasan lalo sa sa hapon at gabi ngayon.

Pangunahin na inatasan ni Gov. Mamba ay ang Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) maging ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na 24/7 ang operasyon nito lalo na sa panahon ng kalamidad.

Kabilang rin dito ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para sa anumang pangangailangan, ang Provincial Health Office (PHO) para sa kalusugan lalo at may banta pa rin ang Covid-19, mga ibang ahensya tulad ng PNP, AFP, Marines at mga barangay officials.

Layon nito na magiging handa ang Provincial Government of Cagayan (PGC) sa mga posibleng mangyari tulad ng baha at landslide. Hangad pa rin dito ang kaligtasan ng bawat Cagayano at zero casualty sa anumang sakuna.