Pinuri ni Gobernador Manuel Mamba ang husay at galing ng mga Cagayano sa pamamayagpag sa iba’t ibang larangan na nagbibigay ng karangalan sa probinsya ng Cagayan
Ito ay laman ng mensahe ng Ama ng lalawigan kasunod ng isinagawang regular flag raising ceremony ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ngayong Lunes, ika-23 ng Setyembre 2024.
Kaugnay rito, pinangunahan ng gobernador ang pagbibigay ng Plaque of Resolution kay Arturo Jose Areola Mamba kasunod ng pagtatapos nito bilang Summa Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Computer Science sa Queen Mary University sa London.
Ayon kay Gobernador Mamba, labis na hinahangaan nito ang taglay na husay at galing ng mga Cagayano sa iba’t ibang larangan saan mang panig ng mundo mapadpad.
Sa bawa’t tagumpay at pagkilala aniya na natatanggap ng mga Cagayano ay karangalan naman ang hatid nito sa probinsya. Labis namang hinahangaan ng gobernador ang pagsisikap ng mga Pilipino na maipakilala ang angking kakayahan sa mundo at hindi aniya nagpapahuli rito ang mga Cagayano.
“Ang mga Cagayano ay hindi ordinaryo, ang mga Cagayano ay magagaling. This is where we see that the Filipino is good and it is the best anywhere we go, let us make use of our best right here in our province, right here in our country, because we go everywhere, we could be their best, ” saad ni Gov. Mamba.
Magugunita na isa sa pangunahing programa ni Gov. Mamba ay ang pagbibigay parangal sa mga kabataan at mga natatanging Cagayano na nag-uuwi ng karangalan sa probinsya, kung saan mula ng manilbihan ito bilang Congressman ng ikatlong distrito ng Cagayan hanggang sa maging Gobernador ay pinagtibay at patuloy na isinusulong ang pagbibigay ng pagkilala sa mga nakapagtapos na nanguna sa kanilang klase sa ilalim ng programang Club Numero Uno.
Sinabi ni Arturo Jose Mamba na malaki ang pasasalamat nito sa Cagayan at sa Dakilang Lumikha sa iginawad sa kanya na pagkilala.
Ang tagumpay aniya na nakamit nito ay buong puso niyang iniaalay sa probinsya Cagayan.
Samantala, ginawaran din ng plaque of recognition bilang pagkilala kay LTC Rosalinda P. Callang GSC PA (RES) bilang AFP Best Reservist Officer for CY 2024 at AFP Reservist of the Year matapos itong pumasok na reservist sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Siya ay kasalukuyang ay kasaluyang Secretary to the Sanggunian ng Kapitolyo ng Cagayan.
Ipinahayag ni Callang ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Gobernador Mamba sa pagkakataon, suporta, at tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa oportunidad na makatulong sa panahon ng kalamidad at sa iba’t ibang aktibidad para sa pagsulong ng bawa’t komunidad.
Dumalo sa flag raising ceremony ngayong Lunes ang bagong Philippine National Police Provincial Director Col. Mardito Anguluan, Board Member Rodrigo De Asis, Department Heads, Consultants, mga empleyado ng Kapitolyo Cagayan, at iba pang mga bisita.