Mapabibilis na ang pag-abot ng serbisyo ng pamahalaan para sa mga residente sa dalawang barangay sa bayan ng Camalanuigan matapos pasinayaan ni Gov. Manuel Mamba at Mayor Isidro Cabaddu ang Felipe Tuzon-Joaquin Dela Cruz flat slab bridge ngayong Martes, Agosto 27, 2024.

Ang Felipe Tuzon-Joaquin Dela Cruz flat slab bridge ay magkokonekta sa Barangay Dammang Sur at Norte. Mayroon itong habang 35 metro na pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng P14,998,989.92.

Ayon kay Punong Barangay Angelita Aguirre ng Barangay Dammang Norte (Joaquin Dela Cruz), dati ay mayroong tulay na gawa sa kahoy o round log lamang sa lugar ngunit kalauna’y nasira kaya namamangka na lamang ang mga residente sa pagpunta sa mga eskwelahan, ospital, at palengke. Subali’t sa ngayon aniya ay mas magaan at mapabibilis na ang pagtungo sa mga pupuntahan sa ibang mga lugar dahil sa bagong gawang tulay na kaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa liderato ni Gov. Mamba.

Kaugnay rito, kanya ring pinasalamatan sina Gov. Mamba at Mayor Cabaddu sa pagbibigay-pansin sa kanilang barangay.

Ang naturang tulay ay pakikinabangan ng mahigit 800 residente ng barangay Dammang habang nasa mahigit 600 naman na residente sa barangay Dammang Sur (Felipe Tuzon) na pinamumunuan ni Punong Barangay Jovito Rosario.

Muli namang nagpasalamat si Gov. Mamba sa suportang ibinibigay sa kanya ng mga mamamayan ng bayan ng Camalaniugan lalo na sa mga nagaganap na pagpili ng mga lider sa Cagayan.

Kanya ring hinimok ang mga ito na suportahan ang panawagang pagkakaisa ni Ret. Gen. Edgar “Manong Egay” Aglipay, One Cagayan Convenor. Aniya, sa loob ng siyam na taon ng kanyang pamumuno ay matagal na niyang nais na mapagkaisa ang mga iba’t ibang lider sa Cagayan.

Naniniwala kasi ang Ama ng lalawigan na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay maisasakatuparan ang tunay na hangarin para sa bawat Cagayano na mai-angat ang pamumuhay at hindi na kailangan pang magtungo sa ibang bansa upang makipagsapalaran.

“Maymaysa ti arapaap ku-ti agmaymaysa tayu dituy Cagayan. Ket kitaen yu maududi ti probinsiya tayun dahil wala tayong matitinong leaders na tumingin sana kung saan sana tayo patungo. Our country will go to the dogs nu awan aramiden tayu. Dakayu ti pigsa mi; dakayu ti kayat mi tulungan aglalo ti babassit. And I dream nga awan ti pumanaw nga anak tayun, ama, ina tayu ta addan tu trabahu dituy ayan tayun”, pahayag ng Gobernador.

Kaugnay rito, bago ang pagpapasinaya ay sinimulan ang programa sa pamamagitan ng sabay-sabay na pag-awit para sa kaarawan ni Mayor Cabaddu na sinabayan ng pagbasbas ni Fr. Rex Singson at Fr. Victor Emmanuel Quintos.

Sa kanyang mensahe, hiniling ni Mayor Cabaddu na suportahan ang One Cagayan upang aniya’y mas mabilis ang paghingi ng tulong na programa at proyekto para sa kanyang mga kababayan. Kanya ring inihayag ang kanyang mga plano katulad ng pagkakaroon ng floating restaurant pagkatapos ng Camalaniugan-Aparri bridge na tiyak na magpapausbong ng turismo sa kanyang bayan.

Samantala, dumalo rin sa selebrasyon ng alkalde si Allacapan Mayor Harry Florida, 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, Ret. Gen. Edgar Aglipay, mga Department head ng Kapitolyo ng Cagayan, Consultants, Sangguniang Bayan members at barangay officials ng nasabing bayan.###