Inilunsad ang Digital Transformation Center, ang dating Tech4Ed hub sa Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 02 ngayong Lunes, Enero 20, 2025 sa 4th Floor ng Panlalawigang Aklatan sa Tuguegarao City.

Pinangunahan nina Governor Manuel Mamba at Engr. Pinky Jimenez, DICT Regional Director, kasama sina Michael Pinto, Provincial Librarian; Francisco Mamba III, Executive Assistant; at Raquel dela Cruz, Consultant to the Governor ang naganap na programa at paglulunsad.

Bago binuksan ang center sa lahat, nagkaroon naman ng Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng PGC at DICT na pinangunahan din ng ama ng lalawigan at ni Engr. Jimenez.

Dumalo naman ang mga miyembro ng Cagayan Library Consortium kasama ang mga librarian, library-in-charge, school head, at principal ng kani-kanilang eskwela, mga empleyado ng DICT Region 02, empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at CPLRC, at iba pang mga bisita.

Ayon kay Pinto, ang Tech4Ed center ng CPLRC na ngayon ay Digital Transformation Center na, ay unang inilunsad noong 2017 kasabay ng adhikain ni Gov. Mamba sa maayos na pagseserbisyo sa mga Cagayano at ang pagsusulong ng inobasyon sa serbisyo.

Mula noon, nagsilbi itong lugar para sa pagbibigay-kaalaman at pagsasanay sa teknolohiya tulad ng computer literacy sa mga Cagayano kabilang dito ang mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan, Persons with Disabilities, mga pulis, maging mga Overseas Filipino Workers. Naging katuwang ng CPLRC ang DICT sa pagbibigay ng libreng pagsasanay sa mga naging kliyente nito. Isa sa naging serbisyo rin nito ang libreng Civil Service Examination Review.

Sa pagpapatuloy nito sa mga nagdaan na taon, kinilala at ginawaran ang Tech4Ed ng CPLRC. Noong 2019, naging finalist ito sa Emerging Tech4Ed sa buong Pilipinas. Noong nakaraang taon naman ay naging Top 1 Outstanding Tech4Ed Center ito sa buong Rehiyon Dos, at Top 2 COVID-19 Pandemic Response.

Ngayon, mula sa Emerging Tech4Ed, isa na itong Digital Transformation Center. Ayon kay Engr. Jimenez, dumadaan ang mga Tech4Ed sa iba’t ibang kategorya at ngayong taon, isusulong ng DICT na maigawad ang center na ito sa Level 4, ang pinakamataas na kategorya na ibinibigay sa mga center sa buong bansa.

Sinambit ni Pinto na sa liderato ni Gov. Mamba, naisakatuparan ang pagkakaroon ng mga inobasyon sa Panlalawigan Aklatan na ngayon ay tinaguriang Best Performing Public Library sa buong bansa at nagiging benchmark ng iba’t ibang aklatan sa Pilipinas.

Samantala, binigyang-diin naman ni Gov. Mamba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa teknolohiya sa digital age na ito. “Technology changes everything. It is a must for all of us in this digital age,” aniya.

Sambit pa ng ama ng lalawigan na napakaraming oportunidad para sa Cagayan, lalo sa paglago ng ekonomiya nito sa pagbubukas nito sa ibang bansa. Nabanggit niya ang interes ng maraming investors sa lalawigan. “There is so much to dream for Cagayanos. We hope na wala ng lalabas na Cagayano upang magtrabaho sa ibang bansa. Let us be inspired in what we do para sa ating kinabukasan at sa kinabukasan ng ating mga anak,” aniya.

Nagpasalamat naman ang Gobernador sa DICT sa pakikipagtulungan sa PGC at CPLRC sa pagbibigay-serbisyo sa mga Cagayano lalo na sa larangan ng pagpapalago ng ICT skills ng mga ito.

Lubos naman ang pagkamangha ni Engr. Jimenez sa malaking pagbabago ng CPLRC mula nang maupo si Gov. Mamba. “The vision of the Governor is inspiring. We thank the Govenror for investing in the future of the Cagayanos. Kasama namin ang PGC at CPLRC sa aming adhikain na magbigay serbisyo sa mga Cagayano,” ayon pa sa kanya.

Samantala, nagbigay naman ng libreng e-books ang Brainworld Publishing sa pamamagitan ng EBookstore nito sa pamamagitan ng kanilang Marketing Officer ns si OJ Reyes.

Sa paglulunsad ng Digital Transformation Center, magpapatuloy naman ang iba’t ibang pagsasanay dito na hatid ng CPLRC at DICT Region 02 sa publiko. Ang mga ito ay iaanunsiyo sa mga susunod na buwan.