Isinagawa ang clean-up drive para sa “Regenerative” Tourism sa iba’t ibang bayan ng lalawigan, kabilang na ang mga tourist destination ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Tourism Month nitong buwan ng Setyembre.
Ito ay taunang aktibidad na isinusulong ng Provincial Tourism Office sa pakikipag-ugnayan sa Cagayan Tourism Officers Association at iba’t ibang Municipal Tourism Officers (MTOs) ng mga bayan sa lalawigan.
Ayon kay EnP. Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer ito ay bahagi ng pangangalaga rin ng kalikasan na siyang isa sa pangunahing responsibilidad sa ilalim ng pagsulong ng industriya ng turismo.
Nag-umpisa aniya sa sustainable tourism kung saan ang adhikain ay alagaan ang kalikasan at pangalagaan ang tourist destinations para ang mga ito ay maipamamana sa susunod na salinlahi.
“Isa sa mga naging prayoridad ni Governor Manuel Mamba ay ang sustainable tourism kung saan kanyang binigyang-diin ang angkop na mga paraan upang balanse ang pagsusulong sa turismo para sa pag-angat ng ekonomiya habang sinisiguro din ang pangangalaga sa kalikasan para sa ating mga anak at kanilang susunod na henerasyon.
Ngayon naman, ating isinusulong ang regenerative tourism, kung saan higit pa ito sa konsepto ng sustainable tourism,” aniya.
Ayon sa kanya, sa regenerative tourism, isinasaalang-alang ang pag-iiwan sa mga turista ng inspirasyon upang sila mismo ay magbibigay ng positive impact sa mga tourist destination na kanilang pinupuntahan.
“Sinisiguro na may maiiwang maganda ang turista sa kanyang mga pinupuntahan upang mas lalo pa itong mapangalagaan.
Nagiging parte ang turista sa ating adhikain na mapangalagaan ang ating tourist destinations at yaman, lalong lalo na ang kalikasan,” dagdag pa ni Junio-Baquiran.
Samantala, ang mga bayan na nagsagawa na kani-kanilang clean-up drive ay ang Sta. Teresita, Piat, Pamplona, Allacapan, Buguey, Sta. Ana, Sanchez Mira, Buguey, Rizal, Sta. Praxedes, at Ballesteros. Inaasahan naman ang pagsasagawa ng aktibidad sa iba pang mga bayan.
Isinagawa rin ang clean-up sa mga PGC tourist area gaya ng Provincial Farm School and Agri-tourism Center sa Amulung, Nassiping Eco-tourism site, Cagayan Animal Breeding Center sa Zitanga Ballesteros, Callao Caves sa Penablanca, Capitol Pavilion sa Sub-capitol, Lallo, at Cagayan Museum.
Kabilang sa mga aktibidad na isinagawa ay ang pagtatanim ng mga puno, partikular ang bamboo, paglilinis sa paligid, clean-up drive sa coastal areas, at iba pa.
Nakilahok naman ang MTOs, mga opisyal at empleyado ng LGUs, barangay officials, iba’t ibang government agencies, at iba pang stakeholders sa clean-up drive activities.