MULTIMEDALIST WUSHU ATHLETE SA CAGAYAN, UMANI NG GINTONG MEDALYA SA ASEAN WUSHU CHAMPIONSHIP SA CHINA

Bata pa lamang si Zion Daraliay, naging laman na siya ng mga patimpalak sa pampalakasan kasama ng kanyang kapatid na si Rasta Daraliay sa loob at labas ng bansa. Kapwa tubong lungsod ng Tuguegarao ang magkapatid mula sa angkan ng mga Darauay.

Taong 2015, sumabak na si Zion at Rasta sa National Finals ng Batang Pinoy bilang wushu athlete. Taong 2016 sumabak si Zion at Rasta sa 6th world Junior Wushu Championships sa Bulgaria bilang representante ng bansa. Naging laman din ng National Finals Batang Pinoy si Zion kung saan inirepresenta nito ang lungsod ng Tuguegarao at nakapag-uwi ng siyam na gintong medalya sa loob ng tatlong taon.

Sumali rin siya sa 9th Asian Junior Wushu Champioships taong 2017; 10th Asian Junior Wushu Champioships sa Brunei; China 2021 Asian Taijiquan Online Competition sa China kung saan nakakuha siya ng ginto at pilak na medalya; The Global Taijiquan Virtual Competition sa China kung saan muli siyang nag-uwi ng gintong medalya.

Taong 2022 nagapatuloy ang karera ng dalaga sa international stage kung saan nakakuha siya ng bronze medal sa 8th World Junior Wushu Championships sa Indonesia; Silver Medal sa 4th World Taolu Cup Singapore; at gold medal sa 1st China ASEAN Wushu Championships.

Hindi na nakasama ni Zion ang kanyang kapatid na si Rasta sa mga sumunod na patimpalak matapos itong masawi sa isang disgrasya taong 2018.

Naging inspirasyon ni Zion ang nakatatandang kapatid para ipagpatuloy ang karerang nasimulan at pinaghuhusayan pa ang kanyang pag-eensayo para makasali sa mga prestihiyosong patimpalak gaya ng SEA Games, ASIAN Games, at ASIAN and World Wushu Championships.