Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office (PTO) ang Provincial Tourism Quiz Bee ngayong Biyernes, Setyembre 20, 2024 sa Atrium ng Robinsons Place, Tuguegarao City.
Ito ay bahagi ng pakikiisa ng PGC sa Tourism Month celebration ngayong buwan ng Setyembre.
Ayon kay EnP. Jenifer Junio-Baquiran, ang taunang quiz bee ay bahagi ng pagpapalaganap sa mga inisyatibo ng PGC sa mga programang pang-turismo na itinaguyod at patuloy na isinusulong ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba.
“We always set the standards high in PGC as what our Governor has set. Quality matters in PGC. Sa tourism, number one sa amin ang experience na ibinibigay sa ating mga turista. We should be acknowledgeable and appreciative of what we can offer. As young as you are, you must already know about Cagayan. You are the next leaders and you are part of the local governance in Cagayan,” aniya.
Nagpasalamat naman si Troy Alexander Miano, Regional Director ng Department of Tourism R02 sa suporta ng iba’t ibang bayan at mga paaralan sa PGC sa aktibidad, maging ang pagtangkilik at pagsuporta sa lahat ng programa ni Gov. Mamba, lalo sa larangan ng turismo.
Samantala, may dalawang kategorya ang kompetisyon: Secondary (Senior High School) at Tertiary. Bawa’t munisipalidad ay may piniling kinatawan mula sa Senior High School (Public o Private School). Sa Tertiary Category naman, isang contestant kada College o University na may Tourism o Tourism-related Course ang sumali.
Ang mga tanong sa naturang patimpalak ay umikot sa General Knowledge, Current Trends in the Tourism Industry, International, National, and Local Developments; Cagayan and Provincial Government of Cagayan, at Cagayan Provincial Tourism Office. Tatlong rounds ang kompetisyon- Easy (1 point), Average (2 points), at Difficult (3 points).
Ang nakasungkit ng kampeonato sa Tertiary level ay si Jaymar M. Donato ng Cagayan State University-Lallo. Ang nagwagi naman bilang kampeon sa Secondary level ay si Rashein P. Pagauisan mula sa Penablanca National High School.
Samantala, ang 1st Runner-up naman sa Tertiary level si Mark Angelo T. Sinigian ng University of St. Louis Tuguegarao. Ang 1st Runner-up sa Secondary ay si Shekinah Caleng mula sa Claveria School of Arts and Trades.
Ang 2nd Runner-up sa Tertiary level ay si Jerald Malabad ng International School of Asia and the Pacific. Sa Secondary level ay si Jade D. Legazpi mula sa Santa Fishery National High School.
Ang mga nanalo bilang champion ay tumanggap ng certificates at cash prizes sa halagang P10,000.
Ang 1st Runner-ups ay nag-uwi naman ng P7,000 at P5,000 sa 2nd Runner-ups. Ang lahat naman ng hindi nakapasok sa Top 3 ay nag-uwi ng tig-P1,000.
Ang mga umupong Board of Judges sa quiz bee ay sina Michael Pinto, Provincial Librarian at Head ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center; Nino Kevin Baclig, Curator ng Cagayan Museum and Historical Resource Center; at Crispina Dela Cruz ng SDO Cagayan.
Kasama naman ng mga kalahok mula sa iba’t ibang bayan at kolehiyo at unibersidad ang kanilang mga coach at mga Municipal Tourism Officer.