Sa pinakahuling assessment o tasa ni Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan, maiko-konsiderang mababa o low risk na sa alert level classification ang Cagayan base sa bilang ng mga natatamaan ng Covid-19.

Aniya, maganda na umano ang sitwasyon ng Covid sa probinsya dahil sa mababang 2-week growth rate, average daily attack rate,. hospital bed utilization at ICU rate. Maging ang roll- out ng bakuna sa lalawigan ay tumataas na dahil ang 1st dose ay 85% na kahit tanging ang bayan ng Solana na lamang ang hindi pa umabot sa 70%. Ang 2nd dose ay 77% na ngunit limang (5) bayan na lamang ang hindi naman nakaabot sa 70% na kinabibilangan ng mga bayan ng Enrile, Allacapan, Solana, Buguey at Baggao.

“Minsan normal o single case na lamang ang ilang pagkakataon na tumataas ang kaso dahil sa kailangan lamang nila ng test at sila ay asymptomatic at bakunado naman. Pero sa suma total ay mababa pa rin ang bilang ng mga kaso at low risk ito,”giit niya.

Sa huling datos din ng Provincial Epidemiology and Survellnce Unit (PESU), ang lalawigan ay mayroong 21 covid active cases at tumaas sa 22 ang mga munisipalidad na wala ng aktibong kaso ng virus.

Mungkahi pa rin ni Dr. Cortina na napakahalaga ang bakuna sa mga hindi pa nababakunahan at ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards para tuluyang makuha ang 100 porsyento na herd immunity ng Cagayan.