Sa pamamagitan ng taunang pondong ibinababa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng barangay mula sa “No Barangay Left Behind” (NBLB) Program nito, nakapamahagi ang Barangay Centro 02, sa Isla ng Calayan, ng mga bitamina para sa mga batang edad 0-5 kamakalawa sa komunidad.

Ayon kay Brgy. Captain Romel Remolacio, nanggaling umano ang pinangbili ng mga gamot at bitamina sa P50,000 youth development fund ng NBLB program ng PGC.

Nakiusap umano si Remolacio sa kanilang SK Chairman na ilaan ang nasabing youth development fund sa mga gamot at bitamina ng mga bata dahil ito ang nakikita nilang dapat mabigyan ng prayoridad lalo pa’t walang ospital na tatangan sa kanilang lugar.

Dagdag pa nito, ang mga bata ay makatatanggap ng gamot at bitamina para sa kanilang mga anak apat na beses sa isang taon para mapanatili nilang malusog ang pangangatawan ng mga ito.

Labis na tuwa naman ang inihayag ng mga opisyal ng barangay at magulang ng mga batang nabigyan ng gamot at bitamina sa tulong na ibinababa ng programa ng PGC.

Sa ngayon, mga edad 0-5 pa lamang ang nabibigyan ng nasabing gamot bilang pauna sa unang quarter ng taong 2022.