Itinuturing na isang ” Dream Gymnasium” ang bagong Senior High School Gymnasium ng Claveria Rural and Vocational School (CRVS) na pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan matapos itong pasinayaan at iturn-over sa nasabing paaralan ngayong Huwebes, September 14, 2023.
Ayon kay Corazon Llapitan, Principal III ng CVRS, gymnasium ang unang proyektong nais niyang maipatayo nang siya’y maging principal ng naturang paaralan noong Enero 14, 2021. Makalipas lamang ng mahigit isang buwan, natupad ang kanyang pangarap nang pondohan ito P3.4 milyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba.
Aniya, noong Disyembre ng nakaraang taon ay ginamit na nila pansamantala ang gym kahit hindi pa ito tapos kung kaya’t labis ang kanyang pasasamalat dahil ngayong araw ay pinasinayaan at pormal na itong naipasakamay sa kanilang eskwelahan.
Sinabi ni Llapitan na malaking tulong ito sa mahigit 500 estudyante maging sa mga stake holders, teaching at non-teaching staff ng CRVS.
Ipinangako rin ng Principal na kanilang aalagaan at gagamitin ng tama ang naturang gymnasium.
Samantala, muling namang hinimok ni Gov. Mamba ang mga mag-aaral na makiisa at tumulong sa kanyang adbokasiyang “Krusada Kontra Korapsyon” lalo na ngayong papalapit na Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
“Nu adu magasto ti election syempre bumawi ka, haan lang dayta, bassit ti pinagkitam ti tao,” ani Gov. Mamba
Ayon pa sa Gobernador, napakahalaga na piliin ang tamang lider na mamumuno sa bayan para hindi na maranasan pa ng mga susunod na henerasyon ang kahirapan.
Ang mga naturang aktibidad ay dinaluhan ng Unang Ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Schools Division Superintendent Reynante Caliguiran, Claveria Vice Mayor Fredelino Agpuldo, mga principal ng iba’t ibang paaralan sa Claveria, Consultant on education ng PGC na si Claire Lunas, mga Barangay Official ng Brgy. Dibalio, department heads, at iba pang consultants ng kapitolyo.