Nakatakdang tumanggap ng service vehicle ang bawat isa sa 820 barangay sa lalawigan ng Cagayan mula sa Pamahalaang Panlalawigan bilang bahagi ng “No Barangay Left Behind” o NBLB program ni Gov. Manuel Mamba.

Sa ginawang Provincial Development Council (PDC) Executive Committee (ExeCom) Meeting ngayong Martes, Agosto-27, pinag-usapan ng mga miyembro sa pamumuno ng gobernador na ilaan na lamang sa pagbili at pagbigay ng service vehicle ng mga barangay ang naipon at hindi nagamit na pondo mula sa NBLB sa mga nakalipas na taon.

Napag-alaman kay Assistant Provincial Planning and Development Officer Rolando Calabazaron na mayroong P559,895,540 na pondo ang hindi nagamit sa taong 2021, 2022, 2023 dahil hindi umano nakapag-comply ang mga barangay sa requisitos na kailangan ng Commission on Audit o COA katulad ng unliquidated projects. Isa pa sa nakitang dahilan kung bakit hindi nagamit ang pondo ay dahil sa hindi pagpasa ng panalalawigang pondo sa tamang panahon at pagpapalit ng liderato sa mga barangay.

Nararapat lamang ani Gob. Mamba na bigyan ng sasakyan ang mga barangay upang mayroon silang magamit katulad sa pagtugon sa emergency. Sa pamamagitan ng pagbaba ng pondo sa mga barangay ay mapalakas pa aniya ang kakayahan ng mga ito.

Bukod sa service vehicle ay ibibigay ang iba pang pondo sa mga barangay sa ilalim ng “Aid to barangay” program.

Inirekomenda rin ng Gobernador na ang maiipon o matitirang pondo sa pagbili ng mga sasakyan ay ibababa sa mga barangay na makapag-liquidate.

“It is not a failure on our part. There were fast changes in the barangay, they didn’t have time to liquidate. Bilhan na lang natin sila ng sasakyan. Tayo na ang magpabid out at baka mapababaan ang presyo. Kapag nakabili, kung ano man ang na save ibigay sa barangay na nakaliquidate, hati-hatiin para sa mga nakaliquidate,” ani Gob. Mamba.

“It should also be a lesson for us na we should pass our budget on time, so im asking the SP, adminsitrayson naman natin ito. We deserve to implement this because it is our administration. At tsaka it could help us out, natutulungan natin ang barangay natin. Let’s capacitate them,” dagdag pa ng Gobernador.

Tinalakay rin ang usapin ng iba pang pondo na naiwan sa ilalim ng NBLB para sa mga Sangguniang Kabataan (SK) kung saan apat na SK sa barangay lamang ang nakapagliquidate sa mga nakalipas na taon. Ganoon na rin ang mga natirang pondo sa ilalim naman ng “No Town Left Behind” o NTLB Program.

Iprinisinta rin ni Engr. Pearlita P. Mabasa, Farm School Administrator and Overseer of Agriculture Programs & Projects of the Provincial Government of Cagayan (PGC) ang planong paglalaanan sa Tobacco Excise Tax na nakuha ng PGC. Ilalaan aniya ito ng pagtatayo ng farmer’s storage at consolidation area na magagamit kapag sobra ang mga ani ng mga magsasaka.

Napag-usapan din ang patungkol sa paglalaan ng karagdagang tulong na pondo para sa ipinapatayong sports complex ng bayan ng Allacapan at Camalanuigan. Ganoon na rin ang hiling ni Vice Gov. Melvin Vargas na karagdagang pondo para sa itatayong ospital sa bayan ng Abulug.

Samantala, ang rekomendasyon ay pagtitibayin sa pamamagitan ng PDC Resolution No. 2 at PDC Resolution No. 3.###