
Aabot sa animnapu’t tatlong brand new utility vehicles ang naipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga barangay sa probinsiya sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba na isinagawa sa Leonardo N. Mamba Memorial Gymnasium ngayong Miyerkules, Enero 29, 2025.
Sa nasabing seremonya, dalawang bayan ang personal na tumanggap ng bagong sasakyan na kinabibilangan ng Amulung na may 34 barangay at Rizal na may 29 barangay.
Sa kasawiang palad, sa kabila ng imbitasyon ng PGC labintatlo sa mga barangay ng Amulung ang hindi sumipot sa turn-over ceremony na walang malinaw na dahilan sa kanilang hindi pagdalo.
Gayunpaman, sa panig ng mga dumalong opisyal ng barangay, nag-uumapaw ang kanilang kasiyahan at pasasalamat dahil sa malaking ginhawang dulot ng natanggap na sasakyan lalo na’t marami sa kanila ang matagal nang humaharap umano sa problema sa transportasyon.
“Malaking tulong ito sa amin lalo na’t looban kami, so maliban sa disaster response pwede rin namin magamit ito sa mga mahahalagang meeting o seminar lalo na kapag dito sa Tuguegarao at syempre makatipid na rin kami ng pamasahe. Kaya, maraming salamat kay Gob. Mamba kasi nabigyan kami sa kauna-unahang pagkakataon sobrang tulong ito sa amin,” ang naging pahayag ni Barangay Captain Ramonsito Busal ng Barangay Anungu, Rizal.
Bilang bahagi ng programa, nagbigay rin ng mensahe si Gob. Mamba para sa mga dumalong opisyal kung saan muli itong nanindigan na walang tunay na pagbabago kung walang sakripisyo dahil ito aniya ang isa sa mga tulay sa tunay na progreso.
“Siyak laeng ti intero Pilipinas nga 24/7 ti Kapitolyo na, dayta TFLC yu 24/7 dayta siririing kami kada aldaw, siyak laeng ti gobernador nga makatext yu. Ibagbagak laeng daytoy ta masapol tatta nga kastoy tayo ta agrigrigat ti tat-tao tayo ta nu haan tayo ammo ti agsakripisyo awan pagbalinan ti pagilyan,” ani Gob. Mamba.
“We are not satisfied with what is happening in our country, this is the country of the most corrupt officials. Isu nga masapol nga adda ehemplo, masapol adda agsakripisyo tapno makita dagiti lideres tayo,” dagdag pa ng gobernador.
Nagsilbi naman bilang tagapagsalita si Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay sa seremonya at sinabi nito na ang mga sasakyan ay simbolo ng hindi matatawarang serbisyo at pagmamahal ni Gob. Mamba sa mga barangay sa probinsiya. Binanggit niya na si Gob. Mamba ay hindi lamang naglilingkod, kun’di nagsasakripisyo para mapabuti ang kalagayan ng bawa’t isa.
“Pag uwi niyo lahat kayo ay sasakay diyan, naka aircon pa kayo. Walang ibang nakagawa yan si Gob. Manny lang, diyan niyo makita kung gaano kayo kamahal. Kaya nagtataka ako kung bakit ang ilan sa inyo ay hindi kayang suklian yung kanyang ginagawa para sa inyo,” ani Manong Egay.
Sinabi rin nito na ang bawa’t tulong at biyaya mula sa PGC ay may kasamang responsibilidad upang matiyak na magpapatuloy ang pag-unlad at maayos na serbisyo at ito ay ang tamang pagpili ng susunod na lider.
Samantala, naging malinaw rin ang mensahe at paalala ng PGC sa mga opisyal ng barangay, na hindi lamang simpleng gamit ang kanilang natanggap kun’di isang mahalagang responsibilidad na dapat alagaan upang matiyak na magtatagal ang nasabing sasakyan.
Kasama sa turn-over ceremony sina Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Unang Ginang ng Cagayan Atty. Mabel Villarica-Mamba, Engr. Pearlita Mabasa, Farm School Administrator and Overseas of Agriculture Programs & Projects ng Provincial Government of Cagayan, Department Heads, mga consultant ng Kapitolyo ng Cagayan, mga kawani mula Provincial Treasury Office, at Provincial Office for People Empowerment (POPE).
Dumalo rin ang mga bisita na sina Allacapan Mayor Harry Florida kasama ang kanyang may-bahay na si Vice Mayor Yvonne Katrina Florida, Amulung Vice Mayor Nicanor de Leon, Atty. Reymund Guzman, Japo De Asis, at Lalaine Pamittan.