Inaayos na ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga kinakailangang dokumento para masimulan ang pagsasanay sa 50 instructors na mangunguna sa nalalapit na pagbubukas ng DRRM School na matatagpuan sa Capitol Compound, Tuguegarao City.
Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-in-charge ng PDRRMO, magiging katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa gagawing pagsasanay ang Office of Civil Defense (OCD) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Aniya, kabilang sa kanilang pag-aaralan ay kung paano ang pagsuri, pagplano maging ang pagsaliksik sa mga lugar na madalas makaranas ng sakuna at kalamidad, maging ang mga posibleng solusyon para maiwasan ang matinding epekto ng kalamidad tulad ng bagyo na ibabahagi rin sa mga estudyante.
“Ang DRRM School ay malaking tulong sa mga mag-aaral dahil hindi lamang rescue (trainings) ang ibinibigay ng PDRRMO sa mga Cagayano,” saad ni Rapsing
Kaugnay rito, sinabi ni Rapsing na una na rin silang nag-usap ni OCD Region 02 Director Leon DG Rafael, Jr. noong nakaraang linggo para maging accredited training center ang bubuksang DRRM School.
Sa oras aniya na buksan ang naturang training center, magiging bukas ito para sa lahat ng mga Cagayano na nagnanais sumailalim sa pagsasanay.
Malaking tulong aniya ito sa publiko dahil magkakaroon ng certificate ang lahat ng mga magtatapos na magagamit sa paghahanap ng trabaho lalo na kung ang papasukan ay DRRM office.