Nagpapatuloy ngayong Miyerkules ang makasaysayang pamamagi ng brand new utility vehicle sa lahat ng barangay sa probinsiya ng Cagayan.

Ngayong Miyerkules, Enero 22, 2025, 29 na barangay sa bayan ng Sto. Niño ang pormal na tumanggap ng kani-kanilang sasakyan bilang bahagi ng layunin ng PGC na mas mapabuti ang kalidad ng serbisyo ng mga barangay sa kanilang nasasakupan.

Ang pamamahagi ng sasakyan ay inisyatibo ni Governor Manuel Mamba mula sa kanyang programang No Barangay Left Behind (NBLB) na kung saan ang mga nasabing sasakyan ay idinisenyo upang magamit sa iba’t ibang gawain tulad ng transportasyon ng mga residente, at iba pang mahahalagang serbisyo sa barangay.

Layunin din nitong mapabilis at mapadali ang pagtugon ng mga barangay sa pangangailangan ng mga mamamayan gaya ng disaster response at relief operations lalo pa’t ang lalawigan ng Cagayan ay madalas naaapektuhan ng bagyo at pagbaha.

Ipinaliwanag naman ni Assistant Provincial Planning and Development Officer Rolando Calabazaron sa mga kalahok na napondohan ang mga naturang sasakyan ng P672,400,000 para sa 820 barangay sa Cagayan mula sa mga pondong hindi nagamit sa programang NBLB sa nakalipas na taon.

Samantala, ayon kay Gob. Mamba ang mga ipinamahaging utility vehicles ngayong araw ay ang mga sasakyan na tinanggihan ng mga barangay sa Solana. Nakatakda namang ibigay ang dalawa pang sasakyan sa susunod na araw sa dalawang barangay sa Sto. Niño na hindi tumanggap ngayong araw.

“Daytoy ited ko kadakayo, daytoy ajay haan innala ti Solana, kunada siguro ikkak pay isuda, apo nu tanggihan yu haan dakayu ikkanen dayta ti agpaypaysu nu haan nga napan. Dagijay innem nga mayors nga haan nga napan idi jay back hoe, awanin inted kon ti sabalin. Kastoy met daytoy [utility vehicles] nu haan nga mapan ti kapitan ta adda pirmaan yu ditoy. Dagijay tu haan nga mangala nga kapitan, pinag uusapan na namin, nga ited ko jay SK, basta mapan ajay SK,” ani Gob. Mamba.

Samantala, nagpasalamat naman si Sto. Niño ABC President Erwin Orly sa programa ni Gob. Mamba at pinaalalahan nito ang kanyang kapwa opisyales na gamitin sa maayos at aalagaan ang mga natanggap na sasakyan mula sa PGC bilang pagpapakita ng kahalagahan ng mga ito.

“Gob. maraming salamat sa programa ninyo, so lahat ng barangay sa Cagayan walang naiwan, lalong lalo na itong ibinibigay ninyo sa amin sa service sa Barangay. So pinaalala ko lang po sa mga kasama natin na opisyales na sana gamitin natin sa wastong paraan, wastong paggamit yung ibibigay ni Gob sa atin na rescue vehicle para lalo nating maserbisyuhan yung ating mga constituent sa ating mga barangay, mula bata hanggang sa pinaka matanda sana wala tayong pinipili na serbisyuhan gamit yung ibibigay ni Gob. Mamba para maipakita at masuklian din natin ang tiwala ng ating constituents,” pahayag ni Orly.

Ipagpapatuloy naman ang distribusyon ng utility vehicles sa iba pang mga barangay sa buong probinsya sa mga susunod na araw.

Kasama rin sa turn-over ceremony sina Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Engr. Pearlita Mabasa, Farm School Administrator and Overseas of Agriculture Programs & Projects ng Provincial Government of Cagayan, Department Heads, mga consultant ng Kapitolyo ng Cagayan, mga kawani mula Provincial Treasury Office, at Provincial Office for People Empowerment (POPE).

Nagsilbi namang panauhin si Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay sa distribusyon kasama ang ang mga bisita na sina Allacapan Mayor Harry Florida, Raquel Dela Cruz, at Romar De Asis.