Pinangunahan ni Gobernador Manuel Mamba ang turn-over ceremony ng 29 na bagong wheel-type excavator sa bawa’t bayan sa lalawigan ng Cagayan kasabay ng regular na pagdaraos ng flag raising ceremony sa Kapitolyo ng Cagayan nitong Lunes, Oktubre 21, 2024.
Ang mga nasabing heavy equipment ay napondohan ng P87 milyon subalit nabili lamang ito sa P85,887,560.00 sa pamamagitan ng “honest bidding” ng PGC. Ang nasabing pondo ay mula sa programang No Town Left Behind (NTLB) na inisyatibo ni Gob. Mamba na gagamitin ng mga LGU sa kanilang nasasakupan.
Muli namang nanawagan si Gob. Mamba sa mga alkalde na pamarisan ang kanyang ginagawang pagtulong at pagpapalakas sa mga malalayong bayan sa pamamagitan ng pagtutok sa mga malalayong barangay.
“I was asking the mayors to do the same, to capaciate yung nasa malalayo para hindi na sila pumunta dito. Can you imagine, halos walang pumupunta sa atin because I gave them what is due them. That is why I said No Barangay Left Behind/No Town Left Behind. Kahit hindi niyo ako iboboto makukuha niyo ‘yan, and yet a lot of them do not appreciate it,” pahayag ng gobernador.
Tinanggap naman ng personal nina Tuguegarao City Mayor Maila Rosario Ting-Que, Tuao Mayor William Mamba kasama si Vice Mayor Francisco Mamba Jr at ng mga miyembro ng kanilang Sangguniang Bayan (SB), gayun din sina Allacapan Mayor Harry Florida, Enrile Mayor Miguel Decena Jr., Gonzaga Mayor Marilyn Pentecostes, Iguig Mayor Ferdinand Trinidad, Sta. Teresita Mayor Rodrigo De Gracia, Baggao Mayor Leonardo Pattung, at Piat Mayor Leonel Guzman.
Samantala, nanindigan din si Gob. Mamba na personal na dapat tanggapin ng mga alkalde ang mga bagong equipment na ipinagkakaloob ng PGC. Sa kanyang pahayag, sinabi nito na mahalaga ang presensya ng mga ito upang ipahayag sa kanila ang kanyang hangarin na pagkakaisa at pagtutulungan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan bilang susi sa patuloy na pag-unlad ng Cagayan.
“Hindi ko ibibigay ito kung wala si Mayor, gusto kong nandito siya na tanggapin ito, kung hindi niya tatanggapin amin na yan. Why? Because, I want to shake hands with them, and tell them, let us be the exemplars of people, lets us dream for our people, let us make Cagayan the best in the country,” saad ni Gob. Mamba.
Bago ipinasakamay ang mga heavy equipment ay binasbasan ito sa pangunguna ni Fr. Aaron Beltran.
Bukod dito, kasalakuyan na rin ang ginagawang pre-bidding sa mga bibilhing service vehicle para naman sa 820 barangays sa Cagayan para sa “No Barangay Left Behind” program. Ang inisyatibong ito ni Gob. Mamba ay may layuning ibaba sa mga bayan at barangay ang lahat ng pondo at programa upang mas lalo pang mapaunlad ang lalawigan ng Cagayan.
Sinaksihan naman ni Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay ang seremonya bilang panauhin at bilang pagpapakita ng suporta sa Ama ng lalawigan. Nakiisa rin dito ang mga department head, consultants, at mga kawani ng Kapitolyo ng Cagayan.