Sinabi ni Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na naibaba sa 29 na bayan at lungsod sa Cagayan ang ultra low freezer at brand new RHU Patient Transport Vehicle.

Aniya, hindi umano biro ang halaga ng mga naipamahagi ng PGC sa lahat ng mga munisipyo dahil sa estimation nito ay aabot sa P5 milyon kada ultra low freezer habang P35 milyon naman ang halaga ng patient transport vehicle.

Pahayag pa ni Dr. Cortina na malaki ang pasasalamat umano ng mga Municipal Health Officer sa PGC dahil nagkaroon na umano ngayon ng bagong sistema ng pagbabakuna sa mga munisipyo na house-to-house.

“House-to-house na ang ginagawa ngayon ng mga munisipyo natin sa pagbabakuna kaya’t napakalaking tulong ang low freezer na paglagakan nila ng bakuna.

Malaking tulong rin ang transport vehicle dahil nakakatulong ito sa mobility nila, halimbawa ang sa Sta. Praxedes ay napakalayo ng Centro hanggang national highway,” giit niya.

Nagpapasalamat rin ang Health Officer sa lahat ng RHUs dahil sa sila ang tumututok sa mga opisyal ng barangay para malabanan ang kinakaharap na pandemya.

Paalala pa rin ni Dr. Cortina na magpabakuna dahil batay sa datos ng PHO, karaniwan sa mga namamatay dahil sa Covid-19 ay hindi bakunado at malala ang kanilang comorbidity pangunahin dito ang mga senior citizens.

“Ipagpatuloy rin ang healthy lifestyle at pagsunod sa minimum health standards,” dagdag pa niya.