
Opisyal nang nagsimula ang 2025 Cagayan Provincial Athletic Association (CPA) meet ngayong Huwebes, Enero 23, 2025.
Ang 2025 CPAA ay may temang One Province, One Spirit: Celebrating Unity and Sportsmanship kung saan ito ay magtatapos naman sa ika-26 ng Enero ngayong taon.
Pinangunahan ng Schools Division Office (SFO) Cagayan ang Opening Ceremony ng Palaro na kasalukuyan nang ginaganap sa Allacapan Sports Complex.
Bahagi nito ay malugod at mainit ang naging pagtanggap ni Allacapan Mayor Harry Florida sa lahat ng delegasyon ng 2025 CPAA Meet.
Sa naging mensahe ng alkalde, hinimok nito ang mga delegado na isapuso ang diwa ng isports upang naipamalas ang kanilang husay at maibandera ang galing ng kinabibilangan nilang delegasyon.
Sinabi pa nito na titiyakin ng Lokal na Pamahalaan ng Allacapan ang buong suporta nito sa palaro hanggang sa ito ay matapos.
Kaugnay rito, umaasa naman si Cagayan Governor Manuel Mamba na lalo pang paghuhusayin ng mga atletang Cagayano ang kanilang pakikipagkompetisyon dahil ito aniya ay bahagi ng kanilang paghahanda sa pagsabak sa iba’t ibang lebel ng palaro tulad ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) at Palarong Pambansa.
Ayon kay Gov. Mamba, nais nitong maiuwing muli ng Cagayan Delegation ang panalo at pagiging “Cagayan Agga Number One” ng probinsya sa CAVRAA Meet dahil sa loob aniya ng magkakasunod na pitong taon ay champion ang lalawigan ng Cagayan nguni’t nitong 2024 ay naging 3rd placer sa naturang palaro.
Binigyang-diin nito ang buong pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa larangan ng isports kaya’t hinimok niya ang mga manlalaro, coaches, at trainers na paghusayin pa ang paglalaro upang hindi na maulit ang mga naging kakulangan sa nakaraan.
“Hindi na po puwede iyong puwede na, hindi na po puwede iyong dati pa rin, hindi ho puwede iyong ugaling luma na, and that is why we challenge ourselves every day. Failures should be lessons in life. I feel that we do not deserve the 3rd during the CAVRAA and this challenge us. Let us bring back Cagayan Agga Number One,” pahayag ni Gov. Mamba.
Pinuri rin ng gobernador ang maayos na pagsusulong ni Mayor Florida ng progreso sa kanilang bayan dahil sa mga proyektong naitayo nito tulad na lamang ng kanilang Sports complex
Samantala, dumalo naman si Retired General Edgar “Manong Egay” Aglipay sa pagbubukas ng naturang palaro bilang kinatawan ni Congresswoman Camille Villar na siyang tagapagsalita ng 2025 CPAA Meet.
Sa ibinahaging mensahe ni Manong Egay, kanyang hinimok ang mga manlalaro na palakasin pa ang pagkakaisa at pakikipagkaibigan sa iba pang mga atletang makahaharap nila sa iba’t ibang larong sasalihan.
Binigyang-diin din nito na sa isang laro ay laging may mga nananalo at natatalo. Sa bawa’t panalo aniya ay mahalagang taglayin ang pagiging mapagpakumbaba at sa tuwing natatalo naman ay kinakailangan na muling bumangon at lumaban hanggang makamtan ang tagumpay na hinahangad.
“If we win, let us be considerate victorious; If we lose, we should lose with grace and a determined will to win. Don’t quite suffer now and live the rest of your life as a champion. Champions keep playing until they get it right. When you fall, get back right up and be more courageous despite hardship. Keep moving until you become victorious,” saad ni Manong Egay.
Samantala, ipinunto rin nito ang kahalagahan ng pagkakaisa at maayos na koordinasyon at pakikisama tungo sa pagkamit ng hangaring manalo o maging champion sa anumang larangan tulad ng isports.