Aabot na lamang sa 30 minuto ang itatagal ng byahe mula sa Centro ng bayan ng Enrile papunta sa Sta. Maria sa lalawigan ng Isabela, dahil sa nakongkretong 14.25 na kilometro na Enrile-Sta. maria provincial road sa ilalim ng panunungkulan ni Governor Manuel N. Mamba.

Kahapon, April-15 ay pinasinayaan ang bagong kongkreto at dekalidad na daan. Una rito ang 4.268 kilometro na nagkakahalaga ng P42,321,435.54; sumunod naman ang 2.980 kilometro na pinondohan ng P29,952,326.09; 1.092 kilometro na may halagang P12,402,456, at rehabilitasyon ng slope protection na mayroong haba na 186 na metro na may halaga namang P5 219,875.62.

Matatapos na rin ngayong darating na Hulyo ang karagdagang 1.785.70 kilometro na may pondong P24,748 417.75 milyon upang makompleto na kongkreto ang 14.25 kilometro na provincial road.

Sa haba ng daan ang 10.12 kilometro rito ay nasementuhan sa administrasyon lamang ni Gov. Mamba.Samantala, tiniyak rin ng Provincial Engineering Office na dekalidad at hindi sub-standard ang mga pinasinayaang daan base na rin sa bilin ng Gobernador.

Ayon kay Engr. Vincent Taguba, mayroong lapad na 6.10m at may 9 na pulgada na kapal na semento ang standard structure ng mga nasabing daan.

Matatandaan na hindi pinasinayaan ang ilang metro na daan sa barangay Buyun sa bayan ng Sta. Teresita dahil sa nakitang hindi maayos na pagkakagawa nito.