Full Article

CAGAYAKNOW TRIVIA – ALAM BA NINYO?

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:48 AM, August 9, 2018

CAGAYAKNOW TRIVIA – ALAM BA NINYO?

Alam ba ninyo na mag-iisang daang taon na ang bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Tuguegarao City sa darating na ika-17 ng Agosto 2018?

Ang bantayog ay itinayo noong Agosto 17, 1918 sa ilalim ng pamumuno ni Governor Honorio Lasam. Ito ay isa sa mga pinaka-unang itinayo sa buong Pilipinas. Ang Rizal monument sa Daet, Camarines Norte ang pinakaluma na itinayo naman noong 1898.

Si Don Honorio ang nagsimula ng pagpapaganda sa Tuguegarao sa pamamagitan ng pagtatayo ng bantayog ni Rizal. Kanya ding sinimulan ang pagpapatayo ng drainage at pagpapasemento ng mga daan sa lungsod. Ipinatayo niya ang Rizal monument sa harap ng Casa Tribunal de Tuguegarao, ang sentro ng Spanish Regime sa Cagayan noong 1839 hanggang 1898.

Sa kanyang bantayog, ang ating pambansang bayani ay nakasuot ng overcoat at may hawak na aklat. Ang haligi nito ay may disenyo na tabako at apat na babaeng sumisimbolo ng apat na mga kabutihan (virtues): Prudence (Katalinuhan), Justice (Katarungan), Fortitude (Tibay ng Loob), at Temperance (Pagtitimpi). Ang patungan nito ay gawa sa adobe.

Ito ay medyo hango sa disenyo ni Carlo Nicoli, ang first prize winner sa patimpalak na isinagawa sa disenyo ng bantayog ni Rizal sa Luneta.

Ang Rizal monument naman sa Luneta ay isang bronze sculpture na hango sa disenyong bozeta ni Richard Kissling (2nd prize) na may titulong “Motto Stella” o Guiding Star. Ito ay may simpleng disenyo kung saan ipinapakita ang ating bayani na nakatingin sa bukang-liwayway. Ang Rizal Monument sa Luneta ay unang binuksan sa publiko noong ika-30 ng Disyembre 1913. (Mia Baquiran)

Sources:
Cagayan Museum and Historical Research Center
Cagayan Heritage Conservation Society (Mr. Prince Wilson Macarubbo and Mr. Kevin Domingo)

Old Photo of Tuguegarao Rizal Monument- mula sa koleksiyon ni Isabelo Pe Benito, Sr.)

Researcher: Mia Baquiran
Graphics: Michael Engelo Alvarado