News

VICE GOB. VARGAS HANDANG SUPORTAHAN ANG MGA PLANO AT PROYEKTO NI GOB. MAMBA PARA SA CAGAYAN

By Reden L. Delos Santos, Provincial Information Office
Published 08:07 AM, October 1, 2019

Malinaw na inihayag ni Vice Gov. Melvin “Boy” Vargas Jr. ang kanyang buong suporta sa mga plano at proyekto ni Gob. Manuel N. Mamba para sa Cagayan matapos itong dumalo sa unang pagkakataon sa isinagawang Provincial Development Council En Banc Conference ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ginanap sa Pulsar Hotel Premier Suites, Tuguegarao City kahapon ik-30 ng Setyembre, 2019.

 

Ayon sa panayam kay Vice Gov. Vargas sinabi nito na panahon na upang isantabi ang kani-kanilang partidong kinabibilangan at bigyan na lamang ng pansin at prayoridad ang mga Cagayano at ang estado ng probinsiya sa kasalukayan upang magtuloy-tuloy umano ang tinatamasa nitong progreso.

“Party affiliation will now stop because we have been selected by the people. We have been given chance to serve therefore our party belongs to the people,” sambit ng Bise Gobernador.

Paliwanag pa ni Vice Gov. Vargas na marami ang nagtatanong sa desisyon niyang pakikipagsundo kay Gob. Mamba. Aniya, kailangan ng pagkakaisa at pagtutulungan hindi lang sa pagitan nila ni Gob. Mamba kundi kailangan ding magkaisa ang mga opisyales sa mga munisipalidad at mga barangay para maging ehemplo ang probinsiya sa larangan ng maayos na paggogobyerno sa buong bansa.

Una nang napabalita ang pakikipagsundo ni Vice Gob. Vargas kay Gob. Mamba matapos itong makipagpulong sa ama ng lalawigan upang plantsahin ang higit P480M na panukalang Supplemental Budget para sa taong 2019.

Dumalo rin kahapon ang Bise Gobernador sa flag raising ceremony ng Kapitolyo kung saan sinabi niya na ang kanyang pagdalo ay hudyat nang maayos na samahan para sa ikabubuti ng lalawigan.

Ikinatuwa naman ni Gob. Mamba ang pagkakaayos ng punong lehislatibo at ehekotibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ang kasalukuyang ipinapamalas ni Vice Gov. Vargas na partisipasyon at suporta sa mga aktibidad at proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan. Ayon kay Gob. Mamba, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan at kinabukasan ng bawat Cagayano.
(Reden L. Delos Santos)