News

TULONG PINANSIYAL SA ILALIM NG “NO BARANGAY LEFT BEHIND PROGRAM” NI GOV. MAMBA MULING IBINAHAGI

PRESS RELEASE 03-6
June 7, 2018

TULONG PINANSIYAL SA ILALIM NG “NO BARANGAY LEFT BEHIND PROGRAM” NI GOV. MAMBA MULING IBINAHAGI

Nitong umaga lamang sa ginanap na People’s Day ni Gov. Mamba sa Kapitolyo, muling ibinahagi ang pangalawang FA sa iba’t ibang barangay ng lalawigan.

Inaasahan na tatlong beses na makakatanggap ang bawat barangay ng ayuda o financial assistance sa unang termino ng gobernador, dahil pangako nitong magbababa ng tig 500k kada barangay taun-taon.

Sa kabila ng limitadong pondo ng probinsiya ay nagawan pa rin ng gobernador na gawan ng paraan upang maibigay ang tama at naayon na ayuda para sa mga barangay.

Ayon kay Gov. Mamba, ang pondo ay nakalaan para sa mga mamamayan at hindi para sa mga nasa katungkulan kung kayat marapat lamang na maibaba ito sa mga barangay para magamit sa kung anumang proyektong nais ng mga nasa komunidad.

“Pera yan ng taumbayan kaya kayo ang magdedesisyon kung saan ninyo ito gugugulin, ngunit kailangang gamitin ito sa tamang proyekto na mapapakinabangan ng nakararami”, sambit ng gobernador.

Samantala 300k ang tinanggap ng bawat barangay na natapos na sa kanilang likidasyon sa unang natanggap na 200k mula sa pondo ng 2016.

Ang ibinahagi ngayon ay mula sa pondo ng 2017.
Kaugnay nito, hiniling ng ama ng lalawigan sa mga barangay officials na naroon na tulungan siyang manalangin at makiusap sa mga kapwa niya opisyales ng probinsiya na sana ay maipasa na ang pondo para sa 2018.

Umaasa naman ang gobernador na maipasa na ang budget ng 2018 sa lalong madaling panahon upang maisakatuparan na ang ipinangakong 500k kada barangay.

(Rowela dela Cruz)