News

TOURISM MONTH CELEBRATION, SINIMULAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN SA KANILANG FLAG-RAISING CEREMONY

By Mia Baquiran, Provincial Information Office
Published 08:00 AM, September 2, 2019

Sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office ang pagdaraos ng Provincial Tourism Month sa buong bansa kaninang umaga, ika-2 ng Setyembre sa flag-raising ceremony ng mga empleyado ng Kapitolyo.

Ang Tourism Month ay ginugunita kada Setyembre taun-taon.
Ayon kay Arnold A. Alonzo, ang Consultant on Tourism and Cultural Affairs ng lalawigan, ang pagdiriwang na ito ay isang paraan upang maipahatid ang malaking kontribusyon ng industriya ng turismo sa pagpapalago ng ekonomiya ng mga komunidad at ng buong bansa.

 

Isang oportunidad naman ito, sambit ni Alonzo na ibahagi ng Provincial Tourism Office ang mga programa ni Governor Manuel N. Mamba sa larangan ng turismo.

Sinimulan ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Chief of Staff at OIC-Provincial Toursim Officer ang pagbahagi ng mga presentasyon ng mga major Tourism Site Development Plans, kabilang dito ang Callao Eco Niche Resort sa Callao, Penablanca; Provincial Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung; Provincial Eco-tourism Park sa Nassiping, Gattaran; at ang Provincial Breeding and Agri-eco Park sa Ballesteros, Cagayan.

Ayon kay Atty. Villaflor ang lahat ng programa ng turismo sa lalawigan ay nakalinya sa development agenda ng Gobernador na nakatuon sa “empowerment” o ang pagpapalakas ng mga tao sa komunidad.

“Nilikha namin ang Technical Working Group ng Tourism Site Development Plans upang magawa nang mas mahusay ang mga programa sa turismo.

Sila ay nagdaan sa iba’ ibang konsultasyon at pagsasanay upang mabuo ang mga plano sa pamamagitan ng pakikipagtulungan kay Architect Gerwin Ferreras, Consultant na isang Environmental Planner.

At ngayon ang lahat ng ito ay aming ipapakita sa inyo upang magsilbing motibasyon at inspirasyon sa ating hinaharap,” aniya.

Binigyang-diin din ni Atty. Villaflor ang mahahalagang plano ng turismo na nakapokus sa community-based rural tourism lalung-lalo na sa Callao.

“Nais natin na maging balanse ang lahat ng ating tinatahak sa pagpapalago ng ating mga tourism sites.

Kung kaya’t, ating binibigyang-pansin ang sustainable tourism na kung saan gagabay sa atin na balansehin ang ating mga pangangailangan sa pangangailangan ng komunidad at ng kapaligiran,” sambit pa niya.

Mahalaga na maseguro natin ang proteksiyon ng ating kapaligiran para sa kinabukasan ng ating mga susunod na henerasyon.

 

Si Bernie Camit naman ng Office of the Provincial Agriculturist ang nagprisinta sa plano ng Provincial Farm School and Agri-tourism Center.

Si Mar dela Cruz naman ng Provincial Planning and Development Office sa Provincial Eco-tourism Park at Si Dr. Noli Buen sa Provincial Breeding and Agri-eco Park.

Nagpakita naman ng isang sayaw ang Creative Coconut Dance Troupe mula sa bayan ng Sanchez Mira sa lahat ng empleyado.

Ang grupo ang nanalo sa patimpalak sa nakalipas na Coconut Festival sa nasabing bayan.

Nagtapos naman ang programa sa paglulunsad ng buwan ng turismo sa mensahe ng Gobernador na ipagpatuloy ng mga empleyado ang nasimulan na magandang gawain sa kani-kanilang programa at opisina.

(Mia Baquiran)
📷– Francis Villanueva Jorque