News

TFLC, POPE NAKA-HEIGHTENED ALERT SA PAGDATING NG BAGYONG OMPONG SA CAGAYAN

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:39 AM, September 11, 2018

PRESS RELEASE No. 09-13
September 11, 2018

Naka red-alert ang lahat ng mga Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) Quick Response Teams sa Cagayan bunsod ng inaasahang pagdating ng Bagyong Mangkhut na tatawaging “Ompong” pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Miyerkules, Setyembre 12.

Ayon kay TFLC Head Ruelie Rapsing, nasa heightened alert ang mga TFLC teams sa Lallo, Sanchez Mira, at Gonzaga upang rumisponde sa mga mangangailangan ng tulong sa hilagang bahagi ng Cagayan na inaasahang direktang maaapektuhan ng bagyo.

Sa pagpupulong ngayong Martes, ika-11 ng Setyembre, binanggit ng DOST-PAGASA na posible ang storm surge sa lahat ng coastal towns ng Cagayan habang pinag-iingat din ang mga residente sa bundok sa mga pagguho ng lupa o landslides.

Samantala, ang mga TFLC sa timog Cagayan ay nakahandang mag-augment, ayon kay Rapsing.
Pagpasok nito sa PAR, ang bagyong Mangkhut ay tinatayang may taglay na lakas ng hangin na 210 kph at bugso na umaabot sa 260 kph.

Pagpasok naman nito sa Cagayan-Batanes area sa Biyernes ng hatinggabi at Sabado, Setyembre 14-15, tinatayang taglay nito ang lakas ng hangin na 205 kph at bugso na 256 kph.

Panawagan naman ni Ignacio “Bubut” Taruc, makinig, magmasid, at sumunod sa anumang mga anunsyo ng pamahalaang panlalawigan hinggil sa mga magaganap sa pagdaan ng bagyo.

Ito ay para masigurado ang kaligtasan at seguridad ng publiko.

“Kung hindi importante ang pupuntahan ninyo, huwag na lang kayong lumabas,” dagdag ni Taruc.

Bukod dito, ang mga kaparian at simbahan tulad ng Iglesia ni Cristo at ibang sekta ay pinakikiusapang sumagip sa pamamagitan ng pansamantalang pagkupkop ng mga kababayan nating masasalanta ng bagyo.

Inabisuhan na rin ang mga empleyado ng Provincial Office for People Empowerment (POPE) maging ang mga Agkaykaysa Cagayan purok leaders na tumulong sa komunidad sa pamamagitan ng adopt-a-neighbor program na inimplement noong Supertyphoon Lawin. Kung matatandaan, apat lang ang nasawi sa Cagayan nang sinalanta tayo ni Lawin.

Siniguro naman ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunaan ni Helen Donato na nakahandang tumulong ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga maaaring biktima ng bagyo.

Sa ngayon, may 900 units na ng relief goods ang irereposition sa Bangag, Lallo Subcapitol para mas maging madali ang pagbigay ng tulong sa hilagang Cagayan.

Magsisilbi lamang secondary location center ang Kapitolyo sa Peñablanca. (Eugene Carlo Tolosa)
Francis Jorque