News

TEKNOLOHIYA AT PROGRAMA NG CAGAYAN SA LARANGAN NG AGRIKULTURA NAIS TULARAN NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG CANDELARIA, ZAMBALES

PRESS RELEASE No. 23-01
23 January 2019

TEKNOLOHIYA AT PROGRAMA NG CAGAYAN SA LARANGAN NG AGRIKULTURA NAIS TULARAN NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG CANDELARIA, ZAMBALES

Ang popularidad ng lalawigan ng Cagayan sa larangan ng agrikultura ang nagbunsod sa Lokal na Pamahalaan ng Candelaria sa probinsiya ng Zambales na bisitahin ang Cagayan upang alamin nito at malaman ang mga magaganda at makabagong teknolohiya na maaari nilang gayahin sa kanilang bayan.

Ang delegasyon ay pinangunahan ni Mayor Napoleon Edquid, alkalde ng Candelaria, Zambales kasama ang buong Sangguniang Bayan at ang 16 na mga Barangay Captains nito.

Sa panayam sa alkalde, sinabi ni Mayor Edquid na ang popularidad ng lalawigan ng Cagayan ay umabot sa kanilang lugar kaya naman kanilang tinungo ang lalawigan upang matutunan ang mga maituturing na best practices ng probinsiya na kanila namang ipapatupad sa kanilang sariling bayan.

“Natutuwa ako sa nakikita ko sa probinsiya ng Cagayan. Walang idle lands at magaganda ang tindig ng mga pananim na nakikita ko, mapa palay o mais ay magaganda ang aming nakikita, patunay lamang na maganda ang programa ng inyong probinsiya pagdating sa agrikultura,” dagdag pa ni Mayor Edquid.

Pinangunahan ni BGen. Rodolfo G. Alvarado, Provincial Administrator ng Cagayan kasama si Dr. Pearlita P. Mabasa, Consultant for Agriculture at mga kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang pagharap sa mga bisita ng Kapitolyo sa Governor’s Conference Hall kahapon, ika-22 ng Enero. Dito ipinagmalaki ni PA Alvarado at Consultant Mabasa ang Cagayan sa larangan ng agrikultura sa mga bisita.

 

 

Ayon kay Mabasa, tunay na sikat ang Cagayan sa larangan ng agrikultura, hindi lamang sa Rehiyon Dos kundi sa buong Pilipinas. “Mataas ang produksiyon ng lalawigan sa bigas at mais. Katunayan, malaki ang kontribusyon namin sa pangangailangan sa bigas sa buong bansa. Sa taong 2017, halos 1 M metric tons ang yield ng Cagayan sa bigas at halos kalahating milyon naman sa mais. Kami ang 4th producer ng bigas sa buong bansa at 5th producer pag dating sa mais,” aniya.

Ipinakita ng OPA ang mga programa nila at sa pagpapalago ng agrikultura sa lalawigan, kasama na dito ang mga teknolohiya at ibang makabagong paraan sa pagsasaka, interbensiyon para sa mga magsasakang Cagayano, at mga paraan na climate-change resilient.

Bukod sa bigas at mais, ipinagmalaki din ng OPA ang fishery sector at ang lawak ng coastal area na isa sa mga malalaking resources ng probinsiya.

Sinabi din ni Mabasa ang kahalagahan ng mga kooperatiba sa produksiyon ng ilang mga agricultural products sa Cagayan at lawak ng kaalaman ng mga ito sa food processing.

Ipinagmalaki din ng grupo ang mga agriculture awards na natanggap ng probinsiya sa national level. Kasama dito ang Rice and Corn Achievers Award at ang Gawad Saka kung saan ginawaran ang buong probinsiya at ilang mga indibidwal na nagbigay ng karangalan noong nakaraang taon.

Binigyang-diin din niya na higit sa lahat, ang tagumpay ng Cagayan sa agrikultura ay dahil sa kasipagan ng mga magsasakang Cagayano na malawak ang pag-iisip sa pagtanggap ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.

“May mga mobile school kami for our farmers kung saan pinupuntahan namin sila upang ibahagi ang mga kaalaman at mga bagong paraan. Sa pamamagitan din nito, nagkakaroon ng mabilis na interaksiyon, nalalaman namin ang kanilang mga suliranin at at madali naming natutugunan ang mga ito,” dagdag niya.

Samantala, binanggit naman ni PA Alvarado ang iba pang mga natatanging programa ng Pamahalaang Panlalawigan tulad ng “No Barangay/Town Left Behind” na nagbababa ng ayuda sa mga barangay ng probinsiya at ang mga repormang ipinatupad ni Governor Manuel Mamba sa Cagayan. Kanya ding ibinahagi ang plano ni Governor Manuel N. Mamba na gawing agri-eco tourism centers ang Provincial Breeding Station sa Ballesteros at ang Anquiray Demonstration Farm sa Amulung.

Sinabi naman ni Mayor Edquid na malaking tulong ang kanilang mga natutunan mula sa Cagayan at kanila itong magagamit sa kanilang bayan upang kanila ring mapalago ang kanilang agrikultura doon.

Dagdag pa ng alkalde na sa mga susunod na panahon ay mas malalimang pag-aaral ang kanilang nais mula sa Cagayan upang ang mga natatamong tagumpay ng lalawigan ay kanilang magaya.

Sinabi din ni Mayor Edquid ay kanya ring hinikayat ang mga Cagayano na bumisita sa kanilang bayan at tikman ang kanilang ipinagmamalaking matatamis at masasarap na manga. (Mia Baquiran and Eugene Carlo C. Tolosa)

📷 Kristofer Selosa