News

TATLONG CAGAYANO, NAGWAGI SA GINANAP NA 2019 ZONAL (LUZON CLUSTER) SKILLS COMPETITION

By Emelyne Tarrangco-Mappala, Provincial Information Office
Published 08:52 AM, January 13, 2020

Muling pinatunayan na naman ng probinsiya ng Cagayan ang galing nito sa anumang larangan ng kumpetisyon sa nasungkit ng tatlong Cagayano na kampeonato sa naganap na 2019 Zonal (Luzon Cluster) Skills Competition kamakailan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Central Office, Taguig City.

Masayang iniuwi ni Jomari U. Torda ng Aparri Polytechnic Institute (API) ang Gold Medal para sa Bricklaying Category at nakatanggap ito ng P25,000 bilang gantimpala. Kasama niya si Bobby T. Bautista bilang Coach na tumanggap din ng parehong halaga.

Hindi rin nagpahuli si Tonton M. Beran ng TESDA Regional Center na nakasungkit ng kampeonato sa Car Painting Category na may P25,000. Ang kanyang coach ay si Louie A. Taguinod.

Pinalad din na naiuwi ni Oliver M. Balisi ng TESDA Regional Center ang Silver Medal sa Automobile Technology Category at nakatanggap ng tig P20,000 kasama si Joel Dominador Canapi na nagsilbing coach nito.

Ayon kay Josephine D. Cabrera, Supervising TESD Specialist ng TESDA, ang mga nasabing kampeon ay ang mga kinatawan ng Pilipinas sa gaganapin na ASEAN Skills Competition sa Singapore.

Aniya, ang ginanap na kumpetisyon ay upang sanayin ang mga mag-aaral at lalong mahubog ang kanilang galing sa kanilang likhang-sining o skills.

Nabatid din kay Cabrera na sumabak ang mga mag-aaral ng TESDA sa pitong kategorya na kinabibilangan ng Cabinet making, Wall and Floor Tilling, Information Network Cabling, Automobile Technology, Mechanical Engineering-CAD, Car Painting at Brick Laying.

Sa nasabing pitong kategorya, tatlong kategorya ang pinanalunan ng mga kinatawan ng probinsiya ng Cagayan.

Dahil dito, kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ang galing ng mga Cagayano kung saan nakatanggap ng tig P25,000 ang dalawang Gold Medalists at P20,000 naman sa Silver Medalist at mismong si Gov. Manuel N. Mamba ang nag-abot ng kanilang mga insentibo na itinaon naman sa Flag Raising Ceremony kaninang umaga, January 13, 2020.

Maliban sa mga kampeon, ang mga kinatawan sa iba’t ibang kategorya ay kinabibilangan nila:

1.xCabinet Making-Florentino Villegas-Sanchez Mira
Juan Ilac-Coach

2. Mechanical Engineering CAD- Justin Mark A. Fernandez (Tuguegarao City)
Edgar dela Rosa-Coach

3. Wall and Floor Tilling- Roldan Bumagat (API)
Reolito Bolando-Coach)

(EMELYNE TARRANGCO-MAPPALA, DPA)

📸 Francis Jorque