News

PSWDO, HANDA AT MAY SAPAT NA MAITUTULONG PARA SA MGA MASASALANTA NG BAGYO O ANUMANG SAKUNA

By Eugene Carlo C. Tolosa, Provincial Information Office
Published 09:13 AM, September 5, 2019

Nakahanda at may sapat na stock ng Relief Goods ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na maaaring madala o maibigay para sa mga Cagayano na masasalanta o mapeperwisyo ng mga bagyo o anupang trahedya na maaaring makaharap ng mga ito.

Ang pahayag ay mula mismo kay Helen Donato, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office ng lalawigan.

Sa pahayag pa ni Donato na sa kanilang pag iimbintaryo sa mga nakaimbak na Relief Goods ay sasapat ito para itulong bilang augmentation sa mga lokal na pamahalaan na kakailanganin ang ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan.

Siniguro din ni Donato na mga bago at hindi pa lipas na ang mga produktong kanilang itutulong kung sakali.

Ang mga pahayag na ito ay inilabas ng PSWDO upang maipaalam sa ating mga local government units sa Cagayan na handang umagapay ang PGC sa kanila sakaling kailanganin ng mga ito ang kanilang tulong.

Ipinaaalala din ng pamunuan ng PSWDO na bagamat sapat at may stock nga ang Pamahalaang Panlalawigan ay augmentation lamang parati ang role ng PGC sa pagsaklolo at pangunahin pa rin ang local government unit ang may responsibilidad para saklolohan ang kanilang mga mamamayan.

Dagdag pa ni Donato na nakatakdang bumili ang PGC ng kagamitan na magpapanatili sa mga stock na bigas sa maganda nitong estado.

Panghuli, sinabi ni Donato na sapat din ang kanilang koordinasyon sa mga ahensiya ng PNP, Army, BFP at iba pang ahensiya at grupo para sakaling kailanganin ng pwersa para sa relief operations ay may mamakuha ang PGC ng katuwang para dito. (Eugene Carlo C. Tolosa)