News

PROGRAMA KAUGNAY SA IPINAGBABAWAL NA DROGA PARA SA MGA KABATAAN, NAKATAKDA

Agad na inaprubahan ni Gobernador Manuel N. Mamba ang proyektong inihain ng Provincial Social Welfare and Development Office(PSWDO) sa pamamagitan ni Helen M. Donato, PSWD Officer para sa kabataan sa buong lalawigan.

Muling ipapamulat ng PSWDO sa kabataan sa buong Cagayan ang masamang epekto at kung paano maiiwasan ang paggamit ng illegal o ipinagbabawal na droga.

Ayon kay Helen M. Donato, PSWD Officer , ang proyektong ito ay napapanahon dahil na rin sa kasalukuyang krusada ni President Rodrigo R. Duterte at ni Gobernador Manuel N. Mamba upang masawata ang salot na dala ng ipinagbabawal na gamot.

Layunin ng proyekto na mas pahusayin at dagdagan pa ang kaalaman at kakayahan ng youth development leaders sa buong probinsiya kung paano makaiwas sa paggamit ng illegal na droga at maging responsableng mamamayan.

Kailangang gabayan ng husto ang kabataan upang hindi mapariwara at upang hindi malugmok sa masamang maidudulot ng iligal na droga, dagdag pa ni Donato.

Umaasa si Donato na sa pamamagitan ng nakatakdang aktibidad na ito na gaganapin sa huling linggo ng Hulyo ay mababago ang mga pananaw ng mga kabataan at makapanghikayat ng pagbabago sa iba pang mga kabataan sa lipunan.