News

PGC AT DSWD RO2, PORMAL NA NILAGDAAN ANG MOA KAUGNAY SA LISTAHANAN DATABASE SHARING!

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 02:20 PM, August 7, 2018

Press Release 06-08
Agosto-07, 2018

Pormal na nilagdaan ni Gov. Manuel Mamba at DSWD Regional Director Lucy Alan ang Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay sa Listahanan 02 Data-base Sharing para sa lalawigan.

Ang Listahanan oTalaan ng Pamilyang Nangangailangan ay imbakan ng mga datos kung sino-sino at saan sa Lalawigan ng Cagayan ang mga pamilyang kabilang sa mga tinaguriang pamilyang may mga pangangailangan tulad halimbawa ng mga solo parent, out-of-school-youth, senior citizens na mga naghihikahos sa buhay.

Nakapaloob din dito ang mga listahan ng mga maituturing na mahihirap na pamilya para maging basehan ng Pamahalaang Panlalawigan para magkapalaan ng akmang programa para matulungan ang mga ito.

Sa talumpati ni RD Alan, binigyan diin nito na nakakatiyak ang kanilang tanggapan na sa liderato ni Gob. Mamba ay matutulungan nito ang kanilang tanggapan para iangat ang pamumuhay ng mga pamilyang may mga pangangailangan na nasa naturang listahan.

Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Gov. Mamba na gagamitin ng Pamahalaang Panlalawigan ang Listahanan sa pinaka-layunin nito.

Napakahalaga ayon sa ama ng lalawigan ang naturang kasunduan para masiguro na direktang maibaba ng Kapitolyo ang tulong na sapat para sa benepisyunaryong karapatdapat.

Siniguro din ni Gob. Mamba na pantay na maibaba ang anumang programa na ilalaan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga nasa listahan.

Samantala, kauna-unahan ang Cagayan sa napagkalooban sa nasabing data-base na naging resulta sa masinop na poverty-mapping survey na isinagawa ng naturang kagawaran noong taong 2015 hanggang 2016.###