News

PCSO, NAGKALOOB NG 10 MILYONG PISONG GRANT PARA SA NORTHERN CAGAYAN DISTRICT HOSPITAL

By AIDA B. CABAUATAN, Provincial Information Office
Published 09:12 AM, July 29, 2019

PRESS RELEASE NO. 27-07
JULY 29, 2019

PCSO, NAGKALOOB NG 10 MILYONG PISONG GRANT PARA SA NORTHERN CAGAYAN DISTRICT HOSPITAL

Pinagkalooban ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang Northern Cagayan District Hospital sa bayan ng Sanchez Mira ng sampung milyong pisong halaga ng grant para sa isang Mobile X-Ray at Doppler Ultrasound na gagamitin para sa mga pasyente mula sa mga kalapit na bayan sa dakong hilaga ng Cagayan.

Ginanap ang nasabing awarding ceremony sa Capitol grounds kaninang umaga, ika-29 ng Hulyo, 2019 kasabay ng flag raising sa Kapitolyo.

Sa pamamagitan ng kinatawan ni PCSO General Manager Royina M. Garma na si Emy Ubales ay personal na ipinagkaloob kay Gobernador Manuel N. Mamba kasama si Acting Provincial Treasurer Mila Mallonga at Dr. Carlos D. Cortina III, OIC-Provincial Health Officer ang nasabing halaga para sa Mobile X-Ray at Ultrasound.

Laking pasasalamat ni Gobernador Manuel N. Mamba sa patuloy na suporta at tulong ng PCSO sa lalawigan ng Cagayan. Aniya, laging handa sa pagtulong ang PCSO sa mga pangangailangan ng lalawigan lalo na sa tulong medikal, maging ang mga ambulansiyang naipamahagi sa mga district hospitals at mga local government units.

Hiniling niya na sana hindi ito ang huli, bagkus ay mas lumawig pa ang tulong at muling buksan ang operasyon ng mga produkto at programa ng PCSO sa bayan sapagkat napakalaki ng tungkulin nito sa buong bansa. Dagdag pa ng Gobernador na ang PCSO ang pinakamalaking pinagkukunan ng pondo para sa universal health care.

Kapuri-puri ani Gob Mamba ang hakbanging ginagawa ni Pangulong Duterte upang sugpuin, panagutin at siyasatin ang anumang tiwaling gawain at anumang bahid ng korupsiyon sa nasabing organisasyon.

Umaasa din ang Gobernador na muling manumbalik ang operasyon ng mga produkto ng PCSO kayat hinikayat din nito si 3rd District Board Member Rodrigo De Asis na gumawa ng hakbang ukol dito.

Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat ang kinatawan ni PCSO Gen.Manager na si Emy Ubales sa pagsuporta sa mga adhikain ng Pangulong Duterte at sa pagtangkilik sa mga produkto at programa ng PCSO sapagkat malaki ang balik nitong tulong sa mga tao.

Kasama sina Dr. Cortina, OIC-Provincial Health Officer at maging si Dr. Wilson Barcena, Chief of Hospital sa mga nagpabatid ng kanilang pasasalamat sa suporta at tulong ng PCSO sa mga district hospital sa lalawigan ng Cagayan.

(AIDA B. CABAUATAN)

📸¬†Francis Jorque