News

PANGANGASIWA SA PAGLOBO NG COVID-19 CASES SA CLAVERIA, IPINAG-UTOS NA NI GOV. MAMBA SA PHO

By Abigail Pineda,
Published 04:30 PM, July 21, 2021

PANGANGASIWA SA PAGLOBO NG COVID-19 CASES SA CLAVERIA, IPINAG-UTOS NA NI GOV. MAMBA SA PHO

Sinabi ngayon ni Governor Manuel N. Mamba na nagbigay na siya ng direktiba kay Provincial Health Officer Dr. Carlos Cortina III na pangasiwaan na ang lumalaking bilang ng COVID-19 cases sa bayan ng Claveria.

Aniya, walang mayor na nakakausap sa Claveria dahil sa incapacitated na si Mayor Celia T. Layus matapos ma-stroke at hindi na makapagsulat o makapagsalita kung saan ibang tao na ang gumagampan. Kasabay nito ay hiniling na rin ni Gov. Mamba sa pamunuan ng DILG na tutukan at aksyonan ang naturang usapin dahil sa kinakailangan na umano ng isang lider na magtitimon sa Claveria. Maari naman umano na pansamantalang tumayong lider ng Claveria si Vice Mayor Solferino A. Agra Jr.

“We need some form of leadership sa Claveria to help us out. Napakaimportante kasi ngayon na may namamahala mismo o nagbibigay ng mandato. I think it’s now time na makita na ito ng Provincial DILG,” giit niya.

Nababahala rin ang Gobernador sa posibleng mapuno ang mga isolation centers sa Claveria kung lalong tataas ang cases ng virus. Sa kabila nito ay pinaghahandaan na rin umano dito ang second wave ng food assistance kung saan nauna na ang financial assistance at food assistance.

Dagdag pa ni Gov. Mamba na lahat ng barangay sa Claveria ay nakatanggap na ng kanilang P200,000 na tulong pinansyal para sa mga isolation units at operasyon nito para sa mga nagpopositibo ng virus. Kabilang rin dito ang pagpapatupad ng “Oplan Katok Apor” program na tutok naman dito ang opisyal ng barangay at kapulisan.

Samantala, pangunahin pa rin umano na maglaan ng isolation unit ang lahat ng barangay at mga ahensya sa lalawigan sa posibleng pag-atake ng Delta variant sa Cagayan. Pinaghahandaan na rin ito mismo ng Pamahalaang Panlalawigan at titiyakin aniya na walang home quarantine dahil ito ang salarin sa mabilis na hawaan ng virus. Ang bakuna rin aniya ay malaking tulong upang maiwasan na ma-ospital, hindi maging kritikal ang kalagayan at walang masasawi sa COVID-19 virus.

(SUSAN L. MAPA)