News

PAGSASAAYOS SA MGA KALSADA SA LALAWIGAN NG CAGAYAN, TINUTUTUKAN

By Julius Palcong, Provincial Planning And Development Office
Published 10:07 AM, February 13, 2019

PRESS RELEASE No. 15-02
13 February 2019

PAGSASAAYOS SA MGA KALSADA SA LALAWIGAN NG CAGAYAN, TINUTUTUKAN

Tutok na tutok ngayon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagsasaayos sa mga Provincial, Municipal maging sa mga Barangay roads.

Ito ay alinsunod sa Development Agenda No. 2 ni Governor Manuel N. Mamba ang pagtatayo ng iba’t ibang imprastraktura sa lalawigan ng Cagayan, kasama ang mga tulay na tatawid sa Ilog Cagayan upang magkonekta ng mga komunidad at mga Cagayano.

Sa ngayon may 23 bagong heavy equipment ang umiikot sa mga munisipalidad at barangay upang magsagawa ng pagsasaayos sa mga daan sa lalawigan, partikular sa ikatlong distrito na lubos na napinsala sa pagdaan ng Super Typhoon Lawin noong 2016 at Ompong noong nakaraang taon.

Ang mga nasabing heavy equipment ay kinabibilangan ng sampung (10) unit ng 6-wheeler dump truck, sampung (10) 10-wheeler dump trunk at tatlong (3) loader.

Ayon kay Provincial Engineer Basilia Flores, P159.8M ang naaprubahang pondo sa AIP 2018 budget na nagamit sa pambili ng mga nasabing heavy equipment.

Samantala, patuloy pa rin namang nagagamit ang mga lumang equipment sa pagsasaayos sa Jamboree site sa Ballesteros Animal Breeding Station na gaganapin sa unang linggo ng Marso. Gayundin ang pagsasaayos sa Nassipping Eco-Park at Anquiray Demo Farm.

Nabatid din kay Engr. Flores na konti pa lang ang naisasaayos dahil ang karamihan sa mga operator ng mga equipment ay nakatalaga sa iba’t ibang proyekto. Sa kabila nito, nasabi naman ni Engr. Flores na patuloy silang naghahanap ng 35 kwalipikadong bagong operators upang mapabilis ang pagpapatupad at pagsasaayos ng mga proyekto sa buong lalawigan. (Reden De Los Santos)