News

PAGPAPAHALAGA SA TRABAHO, DAPAT ISAPUSO NG MGA EMPLEYADO”-PA LLOPIS

Pagpapahalaga sa trabaho at oras, pag-iingat sa pondo, at pagseserbisyo ng tapat.

Ito ang hiniling kanina ni Joseph M. Llopis, Provincial Administrator sa lahat ng empleyado ng Kapitolyo, sa ginanap na flag raising ceremony sa Capitol Grounds, Tuguegarao City.

Ayon kay PA Llopis, ang mga nabanggit ay mahahalagang aspeto na dapat taglayin ng isang ahensiya upang higit na maging epektibo ang operasyon nito.

“Bukod sa oras at kagamitan, mainam rin na bigyang-pansin natin ang pag-iingat sa pera o pondo. Alam naman natin na ito ang tutustos sa lahat ng programa at proyekto na ating isasagawa mapa-imprastraktura man, kawanggawa, peace and order, o health services” pahayag ni PA Llopis.

Dagdag pa sa focus ng bagong administrasyon ay ang pagtingin sa personnel structure ng bawat opisina ng Kapitolyo. Ayon kay PA Llopis, 33% hanggang 50% lamang mula sa 1,800 na bakanteng posisyon ang sasalangan ng tao. Ito ayon sa kanya ay parte ng pag-iingat sa pondo ng Kapitolyo upang higit na mapagtuunan ang mas makabuluhang mga programa at proyekto sa hinaharap.

Binigyang-diin rin ni PA Llopis na dapat magkaisa ang mga empleyado para sa cost-cutting measures partikular sa konsumo sa elektrisidad. Ayon sa Provincial Administrator mahigit isang milyong piso kada buwan ang nagagastos sa pagbabayad sa konsumo pa lamang dito. “Dapat natin itong tingnan at magkaroon ng munting paraan para makatulong sa pagbawas sa konsumo ng kuryente; ito ang mensahe para sa atin ng Gobernador at sa lahat ng opisina,” dagdag ni PA Llopis.

Samantala, pinayuhan din ng Provincial Administrator ang lahat ng empleyado na pag-igihin ang araw-araw na pagtatrabaho. “Dapat nating tapusin ang mga dapat gawin sa oras ng trabaho at huwag itong ipagpaliban. Kung kaya naman na nating gawin ngayon, umpisahan na at tapusin. Huwag nang ipagpabukas, ika nga. Paglingkuran natin ng maayos ang mga kliyente ng may paggalang at respeto, dahil ito ay ito ang nararapat sa kanila,” dagdag ni PA Llopis.

Ilang mga puntos rin ang ipinaabot ni PA Llopis sa department heads; ito ang hindi paggawa ng self-declared overtime. Ayon sa kanya sa ilalim ng batas at sa civil service circular, hindi pwedeng mag-declare ng sariling overtime ang isang department head. Ang direktiba sa overtime ng department heads ay dapat nagmumula mismo sa Gobernador upang siya ay maka-claim ng overtime pay. Ang walong oras na pagtatrabaho sa isang araw ay sapat na upang matapos ninyo ang mga gawain,” pahayag ni Llopis

Binigyang-diin rin ni PA Llopis na kailangan ng Pamahalaang Panlalawigan ang reporma. Ayon sa kanya kung naging kampante ang mga empleyado sa nakaraan ay mangyaring baguhin na ito at gawin ang nararapat. “Magtulungan tayo at magsilbi sa publiko ng tama at tapat; isapuso natin ang nasumpaang tungkulin bilang empleyado; bilang mga serbisyo-publiko, hindi lang tayo nasusukat sa responsibilidad, nasusukat rin tayo sa ating aksiyon at galaw,” pagtatapos ni Llopis.