News

PAGGUNITA SA CENTENNIAL YEAR NG RIZAL MONUMENT SA LUNGSOD, ISASAGAWA

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 09:24 AM, August 14, 2018

PRESS RELEASE 11-08
14 August 2018

Isasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng Cagayan Museum and Historical Research Center ang ika-100 o Centennial Year ng Rizal Monument sa lungsod ng Tuguegarao sa darating na ika-17 ng 2018.

Ang paggunita ay bahagi ng mga programa at aktibidad ng Cagayan Museum na nakatuon sa pagpapahalaga sa kayamanang kultural ng lalawigan.

Ayon kay Jenifer Junio-Baquiran, ang Museum Curator ng Cagayan, marapat lamang na gunitain ang pagtatayo ng bantayog ni Gat Jose Rizal, hindi lamang upang bigyang halaga ang mga nagawa ng ating pambansang bayani. “Ang bantayog ay isa sa mga kayamang kultural ng lalawigan.

Nakasaad sa ating National Cultural Heritage Act of 2009 na malaki ang papel na ginagampanan ng lokal na pamahalaan sa pangangalaga ng mga kayamanang kultural ng bawat lalawigan at bayan.”

Ang bantayog ay itinayo noong Agosto 17, 1918 sa ilalim ng pamumuno ni Governor Honorio Lasam (na naging kaklase din ni Jose Rizal). Ito ay isa sa mga pinaka-unang itinayo sa buong Pilipinas. Ang Rizal monument sa Daet, Camarines Norte ang pinakaluma na itinayo naman noong 1898.

Sa kanyang bantayog, ang ating pambansang bayani ay nakasuot ng overcoat at may hawak na aklat. Ang haligi nito ay may disenyo na tabako at apat na babaeng sumisimbolo ng apat na kabutihan (Virtues): Prudence (Katalinuhan), Justice (Katarungan), Fortitude (Tibay ng Loob), at Temperance (Pagtitimpi). Ang patungan nito ay gawa sa adobe. Ito ay medyo hango sa disenyo ni Carlo Nicoli, ang first prize winner sa patimpalak na isinagawa sa disenyo ng bantayog ni Rizal sa Luneta.

Ayon naman kay Laureta Decena-Malbog, Researcher ng Cagayan Museum, napapanahon ang mismong katagang galing kay Jose Rizal na “ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.”
“Bahagi ng pag-unlad ang pagbibigay halaga sa ating cultural heritage. Mahalaga na alam natin ang ating kasaysayan at ang mga kwento ng ating pinanggalingan upang maharap natin ang kinabukasan at makamit ang pag-unlad,” sambit pa ni Malbog.

Samantala, binigyang-diin naman ni Junio-Baquiran na ang inisyatibo sa pangangalaga sa ating kayamanang kultural ay hindi lamang nakasalalay sa ating mga lider at ilang mga conservation groups. “Higit na kailangan ang inisyatibo na magmumula sa taumbayan upang patuloy na mapangalagaan ang ating kitik na kultura, tradisyon, at mga pamana,” dagdag niya.

Sa Biyernes, ipagdiriwang ang makasaysayang araw ng Centennial sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad.
Magsisimula ang araw sa isang Clean-up Drive na pangungunahan ng mga Agkaykaysa Organizations ng Barangay 6, 9 at 10 ng Tuguegarao City.

Susundan naman ito ng isang wreath-laying ceremony na papangunahan ni Governor Manuel N. Mamba kasama ang mga empleyado ng Pamahalaang Panlalwigan, mga pinuno ng iba’t ibang national agencies, NGOs, at ibang mga institusyon.

Nakipag-ugnayan naman ang Cagayan Museum sa Department of Education para sa pagsasagawa ng creative events sa araw din ng selebrasyon tulad ng poster making, slogan making, at poetry writing and recitation contests. May tampok din na “Selfie and Grouphie at Tuguegarao Rizal Monument” at “Twinning with our National Heroes” na pakulo ang museo.

Ipagdiriwang din ang ika-45th anibersaryo ng Cagayan Museum sa Agosto 16, 2018. “Sa darating na Biyernes, tatlong makasaysayang kaganapan ang ating gugunitain kabilang na ang pagkakatatag ng ating provincial museum at ang National History Month,” sabi din ni Junio-Baquiran. (Mia Baquiran)