News

PAGGUNITA NG SENTENARYO NG BANTAYOG NI GAT JOSE RIZAL SA TUGUEGARAO, MATAGUMPAY NA IDINAOS

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 10:48 AM, August 20, 2018

PRESS RELEASE No. 17-08
August 20, 2018

Ang ika-17 ng Agosto 2018 ay isang makasaysayang araw para sa sambayang Cagayano dahil sa paggunita ng sentenaryo ng bantayog ni Gat Jose Rizal sa Tuguegarao City sa liwasang Rizal. Ito ay pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Cagayan Museum and Historical Research Center.

Bago pa man sumikat ang araw noong Biyernes, nagsimula na ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang clean-up drive na sinimulan ng Agkaykaysa Organizations ng Barangays 6, 9 at 10 kung saan nakapaloob ang tinaguriang heritage zone sa lungsod, kasama ang Rizal Park.

Pasado alas-siete naman ng umaga noong magsimula ang palatuntunan na inihanda ng Cagayan Museum sa paggunita ng mahalagang araw na ito.

Matapos ang pag-awit ng Pambansang Awit at Cagayan Hymn, nagbigay-pugay ang 17th Infantry Brigade kay Gat Jose Rizal sa pamamagitan ng 21-gun salute.

Pinangunahan naman ni Governor Manuel N. Mamba ang pag-alay ng bulaklak sa bantayog (sa saliw ng tugtuging “Bayan Ko” ng banda ng Philippine National Police regional Command 02) kasama ang mga pinuno ng Pamahalaang Panlalawigan, mga director ng iba’t ibang pambansang ahensiya, mga pinuno ng ilang mga institusyon, organisasyon at komunidad.

Nagbigay din ng mga mensahe sa bayani ay mga piling panauhing pandangal mula sa Department of Education, Cagayan Heritage Conservation Society, CELYO Inc., Masonic District Cagayan, Veterans Federation, Senior Citizen Association, Philippine Information Agency at Cagayan PNP.

Sa kanilang mensahe, muli nilang kinilala ang kabayanihan at kadakilaan ng pambansang bayani bilang isang matapang na bayani at mabuting Pilipino na nagbigay daan upang matamasa natin ang kasarinlan at kalayaan.

Ilan ang nagbalik-tanaw sa madugo, masalimuot, makulay at makabuluhang kasaysayan ng ating bansa sa kamay ng mga dayunan.

Malaman at puno naman ng inspirasyon ang mensahe ng ama ng lalawigan na si Gov. Mamba.

Ang kanyang mensahe ay nakatuon sa pagpapaliwanag sa halaga ng paggunita ng nakaraan upang matamo natin ang masaganang kinabukasan.

Humingi siya ng paumanhin sa lahat sa kasalukuyang kalagayan ng Rizal Park na mistulang napabayaan ng mga nagdaang administrasyon.

Kanyang ipinaliwanang na may nakalaang pondong P10 M upang mapaganda sana ang liwasan na ito, ngunit sa kasamaang palad ay hindi pa naipapasa ang 2018 budget sa Sangguniang Panlalawigan kung kaya nakatiwangwang pa lamang kalat sa paligid.

“Sana ay magsilbing leksiyon sa ating lahat ang kapabayaan na nangyari sa Rizal Park.

Ito ay isang hamon sa atin bilang mga lider at bilang mga kasapi sa komunidad na hindi dapat tayo padidikta sa takot at pera na pinaiiral ng ilang mga lider,” sambit niya.

Binigyang-diin niya na ang ipapaayos niya ang Rizal Park sa lalong madaling panahon upang ito ay mapakinabangan ng mga bata at maging parte ng kanilang masasayang karanasan at upang magamit din ng mga susunod na henerasyon sapagkat “bahagi ito ng ating kasaysayan na dapat maipamulat at maipahayag sa mga kabataan” ayon pa sa kanya.

“Ating gisingin ang tunay na diwa ng pagmamahal sa bayan. Lalo nating pag-ibayuhin ang ating tradisyon at kultura. Isapuso, isaisip at isagawa ang mga aral ni Gat Jose Rizal.

Palaganapin natin ang pagiging isang bayani sa bawat isa sa atin.

Gamitin natin ang galing, husay at talino para sa kapakanan ng nakararami.

Magbalik-tanaw tayo sa nakaraan upang gawing basehan sa ating mga gagawing desisyon at mga plano para sa ating kinabukasan,” sambit ng Gobernador.

Samantala, nagpasalamat naman si Jenifer Junio-Baquiran, Museum Curator sa pagdalo ng mga panauhin sa makasaysayang paggunita sa sentenaryo ng bantayog ng ating pambansang bayani.

Ayon sa kanya ang bantayog ni Rizal ay pangatlo sa kauna-unahang itinayong bantayog ng pambansang bayani sa buong Pilipinas.

“Tayo ang mapalad sapagkat bahagi tayo ng kasaysayan sa pagbibigay pugay kay Rizal.

Kaya napapanahon ang selebrasyon na ito dahil nagsisilbi itong paalaala sa ating lahat na mahalagang buhayin natin ang kamalayan sa lahat ng nangyari sa ating kasaysayan.

Huwag sana tayong magpadala sa mabilis na agos ng teknolohiya at sa kagustuhan na madala sa agos ng kaunlaran.

Gisingin natin ang damdaming makabayan sa bawat isa sa atin upang maharap natin ang kinabukasan,” pahayag ni Junio-Baquiran.

Kasabay ng paggunita, ipinagdiwang din ng Cagayan Museum ang ika-45th anibersaryo ng panlalawigan museo na unang binuksan sa publiko noong Agosto 16, 1973.

Hindi naman nagtapos ang araw sa palatuntunan. Ilang mga patimpalak ang isinagawa ng Cagayan Museum sa Tribunal de Tuguegarao tulad ng poster-making, slogan-making at sulat-bigkas (poetry writing and recitation) na sinalihan ng iba’t ibang paaralan sa elementarya at high school sa buong lalawigan.

(Mia Baquiran)