News

OPLAN SAGIP NATONIN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, TUMULAK NA UPANG TUMULONG SA RETREIVAL OPERATIONS SA MT. PROVINCE

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:27 AM, November 6, 2018

PRESS RELEASE NO. 03-11
Nobyembre 6, 2018

Tumulak na ngayong Martes ng umaga papuntang Natonin, Mountain Province ang grupo ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) na tutulong sa retrieval operations sa nasabing lugar.

Ang team na ito ay bumubuo sa Oplan Sagip Natonin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Officer Ret. P/Senior Supt. Pedro Danguilan, ipinadala ni Gobernador Manuel Mamba ang Alpha Team ng TFLC na kinabibilangan ng 10 miyembro.

Ani Danguilan, ang Alpha Team na ito ay ang pinaka-may kakayahan sa operasyon dahil sila ay sumailalim sa pagsasanay sa iba’t ibang uri ng disaster response.

Dagdag ni Danguilan, ang grupong ito ang siya ring nakasungkit ng 1st-Runner Up sa UNTV Disaster Summit ngayong taon.

Bumiyahe ang team ng Oplan Sagip Natonin lulan ang dalawa sa bagong Russian truck ng pamahalaang panlalawigan.

Dala rin ng grupo ang kanilang mga equipment na gagamitin sa operasyon at goods mula sa Office of the Civil Defense (OCD) para sa mga nangangailangan sa nasabing lugar.

Sa mga ulat kahapon, Lunes, November 5, 2018, 18 na bangkay na ang narekober mula sa lugar kung saan gumuho ang lupa at tinabunan ang isang gusali ng DPWH sa Barabgay Banawel, nasabing lugar.

Sa kasalukuyan, 10 pa ang hinahanap ng mga awtoridad ngayon.

Ang pagguho ng lupa ay dulot ng pananalasa ng Bagyong Rosita sa Cordillera noong isang linggo.

Kasama rin sa team si OCD Region 02 Director Dante Balao na siyang mangunguna sa turnover ng delegasyon ng Cagayan at ng Rehiyon Dos.

Nagpasalamat naman si RD Balao kay Gob. Mamba at sa iba pang lalawigan na tumugon sa layunin ng OCD na tumulong sa Natonin.

Samantala, bingyang diin ni Danguilan na handa ang Cagayan upang magpaabot ng tulong sa karatig lalawigan nito.

“Ang kabilin-bilinan ng ating Gobernador Manuel Mamba ay hanggat kaya nating tumulong sa ating kapwa, tutulong tayo…Kahit papaano naman ay makapag-ambag ang ating probinsya ng kahit anumang klaseng tulong sa mga kababayana natin sa Natonin,” ani Danguilan. (Gerard Josef Tumaliuan Lucena)