News

MGA KAWANI NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN HINIKAYAT NI GOBERNADOR MAMBA NA MAGING PARTE SA PAGHAHANDA PARA SA KALIGTASAN AT IKAKAAYOS NG PROBINSIYA

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 01:43 PM, November 13, 2017

PRESS RELEASE No. 05-11

MGA KAWANI NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN HINIKAYAT NI GOBERNADOR MAMBA NA MAGING PARTE SA PAGHAHANDA PARA SA KALIGTASAN AT IKAKAAYOS NG PROBINSIYA

Muling nakaharap ngayong araw, Lunes, ika-13 ng buwan ng Nobyembre 2017, ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba ang hanay ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa lingguhang pagdaraos ng Flag Raising Ceremony ng Kapitolyo.

Sa talumpati ni Gob. Mamba, kanyang ipinaalam sa mga empleyado ng Kapitolyo ang dinanas na pagbaha ng probinsiya nitong nakaraang linggo kung saan ang kalakhan ng lalawigan ay nalubog sa baha sanhi na rin ng walang patid na pag-uulan dulot ng epekto ng North East Moonson at hanging Amihan.

Sinabi rin ni Gob. Mamba na bagamat nakahanda ang Pamahalaang Panlalawigan at ang Task Force Lingkod Cagayan o TFLC sa pagresponde sa mga pangangailangan ng mga taong bayan tuwing may mga sakuna at delubyong gaya nito ay nararapat na umanong magkaroon na ng mga pagpaplano para masolusyunan ang mga problema dulot ng pagbaha sa lalawigan.

Ayon pa sa Gobernador, hindi na sapat ang patapal-tapal na solusyon sa mga problemang ito kundi mas maayos at mga kongkretong pagpaplano na ang kinakailangan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Kinakailangan diumano ng mga bagong relocation sites para sa mga flood prone areas sa mga bayan-bayan at mas maayos at epektibong mga greening projects sa lalawigan.

Dagdag pa ni Gob. Mamba na base sa pagsasaliksik, ang Lungsod ng Tuguegarao ay sinasabing ang 2nd Most Disaster Prone City sa mundo kung kaya’t kinakailangang mapagtuunan ng pansin ang taon-taon at lumalalang problemang ito lalo na at hindi lamang ang lungsod ang maaapektuhan kundi ang buong lalawigan ng Cagayan.

Kaya naman kanyang hinikayat ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na makialam ang mga ito sa pagpaplano at pagsasaayos ng kanilang mga lugar upang masolusyunan ang palalang problema ng pagbaha at kaligtasan ng mga mamamayan.

Sinabi rin ng Gobernador na maging masigasig ang bawat isa na ipaalam sa kanilang mga lider politikal ang mga panukalang pagbabago na nararapat sa kanilang mga bayang kinabibilangan upang mapaghandaan ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Kailangang bawat isa ay makialam upang mapangalagaan natin ang ating mga anak at ang susunod pang henerasyon ng mga Cagayanong darating, pagwawakas ni Gob. Mamba.

EUGENE CARLO CALEDA TOLOSA