News

LIBU-LIBONG INFORMATIVE MAGAZINE, IPINAGKALOOB SA PROV’L LIBRARY

By GERARD JOSEF T. LUCENA, Provincial Information Office
Published 08:26 AM, March 6, 2019

PRESS RELEASE NO. 09-03
Marso 6, 2019

LIBU-LIBONG INFORMATIVE MAGAZINE, IPINAGKALOOB SA PROV’L LIBRARY

Libu-libong mga magasin at mahahalagang babasahin katulad ng Reader’s Digest ang naibigay bilang donasyon sa Provincial Learning and Resource Center o PLRC sa unang dalawang buwan pa lamang ng taong 2019.

Ibinahagi ni PLRC Head Michael Pinto na noong Enero ay nag-donate ang Emerald Headway Distributors Inc. ng mahigit 6,700 volumes ng iba’t ibang titulo ng mga materyales.

Kabilang dito ang mga titulo na Harvard Business Review, Vogue, Architectural Design Record na ang isang titulo ay aabot sa P75,000 sana kada taon.

Inilahad ni Pinto na kung ating binili ang mga magasin na ito ay aabot sa P20 bawat isa ang sana’y gagastusin.

Ngayong Pebrero, muling nagpamigay ng mga babasahin ang nasabing donor kung saan nakatanggap tayo ng mahigit 17,000 volumes ng Reader’s Digest.

Ani Pinto, bagama’t back issues ang mga nai-donate, malaki ang tulong ng mga ipinagkaloob na libreng materyales para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan dahil sa lawak ng impormasyon at kaalaman na maaaring makuha mula sa mga ito.

Ikinagalak ni Pinto na ang Cagayan PLRC ang siyang napili bilang recipient ng mga ito dahil kung tutuusin ay nakatipid ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga libreng akwisisyon nito ng mga babasahing may malalaking halaga kung ito sana ay binili.

Dagdag ni Pinto, inaasahang makakatanggap din ang PLRC ng siyam na volume ng e-journals nang libre mula sa National Library.

Ayon kay Pinto ang pinakamurang subscription ng e-journal ay umaabot sa milyones depende sa titulo.

Kasalukuyang inaayos ng mga kawani ng PLRC ang mga babasahin at materyales.

Dahil sa dami ng mga ibinigay sa PLRC, balak ng pamunuan nito na ibahagi ang mga ito sa lahat ng mga opisina ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

“Sayang naman ang mga ito kung sa PLRC lang gagamitin. While our clients are waiting, mayroon silang babasahin. This can also be read also our co-employees. At least may dagdag kaalaman din sila,” ani Pinto.

Ayon kay Pinto, mahalaga umano ang pagbuo ng ugnayan sa iba’t ibang mga insitusyon na maaaring makatulong sa pag-acquire ng mga aklat at iba pang materyales para sa lalawigan.

“I’m into collaborative way of acquiring materials dito sa library. Hindi naman lahat tungkol sa pera. Ang nakikikta ko saying yung opportunity that there are people who are generous enough na magbigay ng gaboon, why not take the chance,” banggit ni Pinto.

Samantala, inilarawan din ni Pinto ang mga plano at inaasahang bagong mukha at pasilidad ng PLRC kung ito ay maaaprubahan ni Gob. Manuel Mamba at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

“If you really want to make a difference, puwede eh. Kaya naman. Magagawa naman,” ani Pinto.

Bukas ang PLRC mula 8 AM hanggang 5 PM, Lunes hanggang Sabado. (GERARD JOSEF T. LUCENA)