News

KURSONG TOURISM PROMOTIONS SERVICES, ISINUSULONG NG PGC SA PAGTATAYO NITO NG PROVINCIAL TRAINING CENTERS

By MIA BAQUIRAN, Provincial Information Office
Published 09:38 AM, July 25, 2019

PRESS RELEASE NO. 26-07
JULY 25, 2019

KURSONG TOURISM PROMOTIONS SERVICES, ISINUSULONG NG PGC SA PAGTATAYO NITO NG PROVINCIAL TRAINING CENTERS

 

Isa sa mga adhikain ni Governor Manuel N. Mamba ay ang maibahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga kakayahan at kagalingan ng mga empleyado ng Kapitolyo sa iba’t ibang larangan, kung kaya’t naisip niyang magtayo ng Provincial Training Centers.
Ang mga centers na ito ay naglalayong magbahagi ng mga skills sa larangan ng carpentry, agriculture, veterinary, heavy equipment operation, masonry at tourism promotions services sa mga Cagayanong nais magkaroon ng kaalaman at trabaho sa mga linyang ito.
Ang mga centers naman na itatayo ng Pamahalaang Panlalawigan ay ilalagay sa mga lugar na walang mga Technical Education Skills Development Authority (TESDA) centers at mismong PGC ang mangangasiwa sa mga ito. Nais ng Gobernador na maging TESDA-accredited ang mga centers na ito kung kaya’t sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ang pakikipag-ugnayan sa TESDA.
Sa pangunguna ng Provincial Tourism Office at ng Economic Enterprise Office, una nang nagkaroon ng oryentasyon ang mga opisinang magiging frontliner sa mga training centers na ito.
Kasalukuyan namang ginagawa ang mga requirements na kailangan ng TESDA upang maisulong na ang programa.
Samantala, ayon kay Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, OIC-Provincial Tourism Officer at Chief of Staff, ilan sa mga plano nilang training centers ay ang isang gusali sa Callao Caves Resort at Sub-capitol, Lallo at sa Anquiray Demo Farm sa Amulung kung saan itatayo din ang ilang malaking Farmers Training Center.
Ayon naman kay Salud Vitug, Supervising Tourism Operations Officer, sasanayin ng TESDA ang mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan para sa isang Trainors Methodology Course o TMC sa loob ng isang buwan. Ang mga magtatapos sa TMC ang magiging trainors sa training centers ng PGC.
Ang mga sasanayin naman ng Provincial Training Centers ng lalawigan ay magbibigyan ng National Certificate mula sa TESDA na magiging katibayan na nagtapos sila sa iba’t ibang kurso na hatid ng PGC at ng TESDA.
Sa ilalim ng kursong Tourism Promotions Services, sasanayin ang mga course takers sa Hotel and Restaurant Management, Promotions and Marketing at paggawa ng iba’t ibang tour packages. (Mia Baquiran)