News

KAUNA-UNAHANG PEOPLE’S DAY SA SUB-CAPITOL BANGAG, LAL-LO SA TAONG 2020, PINANGUNAHAN NI GOV. MAMBA

By Susan L. Mapa, Provincial Information Office
Published 09:12 AM, January 9, 2020

Patuloy ang pagseserbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa mga Cagayano ngayong pagpasok ng taong 2020 sa pamamagitan ng People’s Day na ginanap sa Sub-Capitol, Bangag, Lal-lo ngayong araw, Enero, 02, 2019.

Pinangunahan ng butihing Ama ng Lalawigan, Governor Manuel N. Mamba ang unang bugso ng People’s Day sa Sub- Capitol kasama si Consultant on Finanacial Matters Ignacio “Bubut” Taruc at Provincial Administrator BGen (Ret.) Rodolfo Alvarado. Katuwang ng Gobernador na humarap sa mga iba’t ibang serbisyo ay ang mga Department Heads, mga iba pang Consultants, mga empleyado ng Provincial Government of Cagayan sa pangangasiwa ng Office of the Provincial Administrator.

Kasabay ng People’s Day ang Spiritual and Moral Recovery Program kung saan ang nagsilbing speaker ay si Pastor Fredelito Fariñas ng Ballesteros.Tinalakay niya ang hinggil sa tunay na pagkamit ng pagbabago sa Cagayan na dapat magsisimula sa bawat Cagayano. “Change of life at dapat na mauuna ang spiritual change at good manner of thinking. Kailangang gawin ito ng tapat na nagmumula sa puso upang magaan ang pagpasok ng taong 2020 sa buhay ng bawat cagayano. Magagawa lahat ng ito sa pamamagitan ng tunay na pananampalataya sa Diyos”, ani Pastor Fariñas.

Sa naging mensahe ni Gov. Mamba ay mariing sinabi niya na sana ay bagong pag-asa ngayong taon ang makakamit para sa mga Cagayano sa kabila ng sunud-sunod na kalamidad sa lalawigan at sinabayan pa ng rice tarification na nagpalugmok sa pagkalugi ng mga magsasaka sa Cagayan. “Bumuo kayo ng asosasyon ng mga magsasaka sa probinsya o sa bawat bayan upang mas mabilis na maibigay ang tulong para sa mga magsasaka. At paigtingin din ang agkaykaysa organization sa inyong mga purok dahil walang ibang magtutulungan kundi kayong nasa purok”, sambit pa ng Gobernador.

Idinagdag pa ni Gov. Mamba na dapat magkaisa ang lahat na hanapan ng solusyon ang mga pangunahing problema sa probinsya at suportahan ang kaniyang mga plano para sa ikakaunlad ng Cagayan tulad ng pagbubukas ng Port of Aparri. Binanggit din ng Gobernador na malala na ang siltation ng Cagayan river na dahilan din ng malubhang pagbaha kaya’t nararapat lamang aniya ang dredging sa Cagayan Delta upang mabuksan rin ang Port of Aparri.

“Hindi ako patitinag sa mga kumokontra o mga nagmamagaling lamang sa mga plano ko sa Cagayan dahil lahat ay para sa ikakabuti ng bawat cagayano. Kailangan ng matinong lider ngayon kaya sana ay magkaisa tayong lahat. Hindi ko magagawa lahat kung wala ang pakikipagtulungan ninyo na matupad ang pag-unlad ng Cagayan”, giit pa ni Gov. Mamba.

Samantala, magiging Consultant on Senior Citizen and OFW ng Cagayan si Ginang Aurora Stabillo at maglalagi siya sa Sub-Capitol Bangag, Lal-lo. (SUSAN L. MAPA)

📸 Francis Jorque