News

KAMPEONATO NG CAGAYAN SA CAVRAA, MAGSILBI SANANG ARAL SA MGA LIDERES NG PROBINSIYA: GOV. MAMBA

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 10:32 AM, March 2, 2018

PRESS RELEASE NO. 02-03
March 02, 2018

KAMPEONATO NG CAGAYAN SA CAVRAA, MAGSILBI SANANG ARAL SA MGA LIDERES NG PROBINSIYA: GOV. MAMBA

Hinamon ni Gov. Manuel Mamba ang mga kapwa nito lideres sa Cagayan na magsilbi sanang aral ang pag-kampeon ng mga atletang Cagayano sa katatapos na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) 2018.

Sa kaniyang talumpati sa naganap na Victory Party kagabi sa Cagayan Coliseum, pinuri ng ama ng lalawigan ang ipinakitang kagalingan ng mga atletang Cagayano na pinamalas ang pagiging numero uno sa Rehiyon Dos sa larangang ng sports.

Ayon sa gobernador, ang tagumpay ng Cagayan sa CAVRAA ay pagpapakita na kaya palang mailagay sa rurok ng tagumpay ang Cagayan kapagka nagkaka-isa ang lahat tulad ng pinamalas ng mga atletang Cagayanos na muling nanguna sa nasabing larangan.

Masakit aniya na ang hanay ng kabataan na ngayon ang nagtuturo sa mga tulad niyang lideres ng lalawigan na kayang itanghal sa katanyagan ang Cagayan kung nagkakaisa ang mga tulad niyang halal na opisyal.

Umaasa si Gov. Mamba na hindi lamang sa larangan ng isports na mangunguna ang Cagayan kundi higit sa lahat ay ang isulong lalo ang kaunlaran ng probinsiya na labis ng napag-iwanan kumpara sa mga kapwa nito lalawigan sa buong rehiyon.

“I know we will learn lessons from this, especially our leaders in this province. I will promise to you, that I will do my best to patch up differences, so we could give back to you, the young, the future.”, pagdidiin ni Gov. Mamba.

Labis na nagpasalamat si Gov. Mamba sa buong delegasyon ng Cagayan sa katatapos ng CAVRAA 2018 sa karangalang ibinigay sa mga Cagayanos matapos muling sungkitin ang overall championship sa magkakasunod na tatlong taon.###