News

“KAHANDAAN AT BAYANIHAN SA ORAS NG KALAMIDAD”- GOV. MAMBA

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:21 AM, November 13, 2017

PRESS RELEASE No. 04-11

“KAHANDAAN AT BAYANIHAN SA ORAS NG KALAMIDAD”- GOV. MAMBA

Sa kanyang Peoples’ Day ngayon araw, ika-9 ng Nobyembre sa Sub-capitol, Bangag, Lal-lo, binigyang-diin ni Governor Manuel N. Mamba sa mga Cagayano ang dalawang mahahalagang bagay na dapat isaisip at isapuso sa oras ng kalamidad. Ito ay ang paghahanda at bayanihan ng bawat isa.

Nito lamang nakaraang mga araw naranasan ng lalawigan ang walang humpay na pagbuhos ng ulan dala ng Northeast Monsoon. Dahil dito, umapaw ang tubig sa Cagayan River at ilang mga tributaryo nito na nagdulot naman ng pagbaha sa ilang mga mabababang lugar tulad ng Tuguegarao City, Iguig, Enrile, Amulung, Alcala at Allacapan.

Nag-iwan ng pinsala ang pag-ulan at pagbaha. Ilan na dito ang pagkasira ng 48 na tirahan (40 full-blown at 8 na partially-blown). Dalawa ang nalunod at dalawa naman ang nasawi dahil sa landslide sa bayan ng Sta. Ana. Ilang mga palayan at taniman ng ating magsasaka ang nasira dahil sa pag-apaw ng tubig.

“Ang Cagayan ay isang disaster-prone area. Hindi lumiliit ang problema natin, bagkus lumalaki pa, gaya din ng paglaki din ng Cagayan River sa nakalipas na maraming taon. At dahil tayo ay isang lambak na napaligiran ng dalawang bulubundukin, ang Cordillera at Sierra Madre, ang lahat ng tubig na galing sa ibang lalawigan gaya ng Nueva Vizcaya, Isabela at Quirino ay bumababa sa atin,” sambit ni Gov. Mamba.

Ipinaaalala din niya ang mapait at nakakatakot na karanasan ng lalawigan noong nakaraang taon dahil sa bagyong Lawin. Hanggang ngayon, patuloy pa din ang pagsasaayos sa mga nasirang mga imprastraktura at pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng delubyong ito.

At dahil lalong lumalala ang problema sa pagbaha sa Cagayan, aniya, kailangan natin ng solusyon na makakatiyak sa kaligtasan ng taumbayan.

Hinikayat ng Gobernador ang lahat na maging alerto at alisto sa oras ng sakuna. “Kahandaan ang susi natin upang maiwasan ang pagbubuwis ng buhay kapag may kalamidad.”

Binanggit din niya ang patuloy na pag-oorganisa ng Agkaykaysa kung saan ang lahat ng purok sa bawat barangay ay naoorganisa upang maging self-reliant, kung saan matututo silang tumugon sa lahat ng problema sa pamamagitan ng kanilang mga kapasidad, abilidad at kakayahan. “Bayanihan at pagtutulungan ang isa sa mahalagang kaugalian na dapat naging ipagpatuloy, hindi lamang sa panahon ng unos, kundi sa pang-araw araw na interaksyon natin sa ating mga kapitbahay at kababayan.”

Sinabi din niya na hihimukin niya ang lahat ng bayan na magkaroon ng kanya-kanyang relocation site para sa mga taong nawawalan ng tirahan sa mga panahon ng kalamidad.

Kanya ring ipinarating sa mga tao na maging aktibo at dapat laging makilahok sa mga usapin sa komunidad. “Kausapin ninyo ang inyong mga lider sa barangay at bayan. Sabihin ninyo ang inyong mga saloobin, pangangailangan at inyong mga suhesyon lalo na sa usapin ng paghahanda sa kalamidad. Ang pagharap sa kalamidad ay hindi lamang nakasalalay sa mga lider, kundi sa ating lahat kung kaya’t dapat tayong mangialam at magkaroon ng sapat na kaalaman,” dagdag niya.

Samantala, patuloy naman ang pagbibigay ng relief goods sa mga pamilyang nasalanta ng baha sa iba’t ibang parte ng lalawigan sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Lagi namang nakaantabay ang Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Office o PCCDRRMO at ang Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) sa mga kaganapan ukol sa rescue operation, evacuation, at emergency response sa buong probinsiya.

Nabanggit din ni Gob. Mamba ang pakikipagtulungan sa Department of Agriculture upang mabigyan ng tulong ang mga magsasakang nawalan ng kabuhayan dahil sa nangyari. “Bibigyan din natin ng tulong ang mga pamilya ng nasawi, pati na ring ang mga nawalan ng bahay,” pangako niya. (Mielmia Marie T. Baquiran)