News

ISA SA LIMANG DUMP TRUCK NA NAHULI NG BANTAY QUARRY CHECKERS PINAKAWALAN NA; MAY ARI AT DRIVER NITO PINAGMULTA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

By Eugene Carlo C. Talosa, Provincial Information Office
Published 09:48 AM, January 21, 2019

PRESS RELEASE No. 21-01
21 January 2019

ISA SA LIMANG DUMP TRUCK NA NAHULI NG BANTAY QUARRY CHECKERS PINAKAWALAN NA; MAY ARI AT DRIVER NITO PINAGMULTA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Makakaalis sa pag-iingat ng Pamahalaang Panlalawigan ang isa sa limang nahuling dump truck mula sa probinsiya ng Kalinga.

Ito ang pahayag ni Edwin Jesus O. Buendia Jr. tagapamahala ng operasyon ng quarry sa Cagayan.
Ang pahayag ni Buendia ay bunsod na rin sa pakikipag ugnayan ng mismong may ari ng sasakyan at driver nitong si Denna Sanadan sa pamunuan ng Provincial Natural Resources and Environment Office, Quarry Division kaninang umaga.

Magugunita na limang dump trucks ang hinuli ng pinagsamang pwersa ng Bantay Quarry Checkers at NBI noong Biyernes, 18 ng Enero 2019 dahil sa walang mga dalang Delivery Receipts ang mga ito na magpapatunay na legal ang kanilang mga kargang boulders.

Paliwanag pa ni Buendia, maayos namang ipinakita ni Sanadan ang dokumento sa kanila na nagpapatunay na mula sa legal source ang kanilang ibiniyaheng produkto. Bitbit ni Sanadan ang sertipikasyon mula sa Environment Officer ng Kalinga na nagsasabing may natitira pang 240 cubic meters mula sa 1000 cubic meters na kanilang pwedeng hakutin.

Ganunpaman, ay pinagmulta parin ng Kapitolyo sa Sanadan dahil sa paglabag nito sa 2013 Revised Revenue Code partikular ang Section 72 Paragraph N o ang paglabag sa hindi pagdadala ng Delivery Receipts.

Kasabay ng pagmulta ng P200 kada cubic meter ay kinumpiska na ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga naturang kontrabando. Umabot sa may 100 cubic meters ang nakumpiskang mga quarry aggregates na nagmula sa Kalinga.

Hinikayat naman ni Buendia ang iba pang mga nahuli na magpakita na sila ng sapat na dokumento sa Kapitolyo upang agarang mairelease na ang kanilang mga sasakyan at maiwasan pa ang mas malaking asunto tulad ng pagkakahabla sa mga ito ng kasong Theft of Mineral na sakaling mapatunayan ay magdudulot ng pagkakakulong sa mga ito.

Panghuli ay sinabi ni Buendia na sa lahat ng gustong magnegosyo ng quarry sa Cagayan ay nararapat lamang sumunod sa tama at wastong panuntunan ng Pamahalaang Panlalawigan upang maayos ang kanilang maging kalakaran. (EUGENE CARLO C. TOLOSA)

📷REDEN DELOS SANTOS