News

GOB. MAMBA SA PGC: MAGPATUPAD NG PINAKAMAGANDANG SERBISYO, IMPRASTRAKTURA NGAYONG 2019

By REDEN DELOS SANTOS, Provincial Information Office
Published 03:10 PM, January 15, 2019

PRESS RELEASE NO. 13-01′
Enero 14, 2019

GOB. MAMBA SA PGC: MAGPATUPAD NG PINAKAMAGANDANG SERBISYO, IMPRASTRAKTURA NGAYONG 2019

“We should have the best services, best infrastructure.” Ito ang muling ipinaalala ni Gob. Manuel N. Mamba sa mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan kaugnay sa simula ng pagpapatupad ng infrastructure projects ngayong taon sa kanyang talumpati matapos ang flag ceremony kaninang umaga, Enero 14, 2019.

Pakiusap ni Gobernador sa empleyado ng Kapitolyo na maging isang magandang halimbawa upang tularan ng mga nanunungkulan sa munisipalidad maging sa mga barangay.

“Nakakahiya na mas maganda pa yung mga gawa ng barangay sa atin, mas maganda pa yung gawa ng mga munisipiyo kaysa sa atin. Dapat sana tayo ang may pinakamaganda para may tularan sila,” ani Gob. Mamba.

Sinabi rin ni Gob. Mamba na huwag matakot isangguni ang mga maling gawain sa I-text mo kay Gob. dahil aniya hindi niya papayagan ang mga maling gawain sa Kapitolyo.

Umaasa rin ang Gobernador na maaprubahan na ang pondo ng taong 2019 upang maipatupad na ang lahat ang proyektong nakapaloob dito at upang hindi raw maantala ng isang taon.

Sa kabilang banda, pakiusap ng Gobernador sa mga nangunguna sa mga proyektong pang-imprastraktura katulad ng mga inhinyero at mga arkitekto na matutong makipag-ugnayan dahil nabatid ng Gobernador na kung hindi sila nagsasalita at nakikipag-ugnayan, nangangahulugang nabibigyan sila ng lagay.

Dagdag pa rito, dapat daw nilang tignan ang mga gagamiting materyales sa paggawa ng mga proyekto dahil ani Gob. Mamba, ayaw niya ng sub-standard na materyales sa mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan.

Naging halimbawa ni Gob. Mamba ang isang proyekto sa Sub-Capitol sa Bangag, Lallo dahil substandard diumano ang mga materyales na kinabit nila, katulad ng window grills at mga salamin.

Paalala ng Ama ng Lalawigan na magtrabaho ng maayos dahil babalandra raw sa kanya lahat ng kanilang mga maling gawain sa gobyerno. (✍️REDEN DELOS SANTOS 📷 KRIS SELOSA/FRANCIS JORQUE)