News

GOB. MAMBA PURSIGIDONG ISAKATUPARAN ANG PORT OF APARRI

By Aida B. Cabauatan, Provincial Information Office
Published 10:23 AM, January 10, 2020

Tahasang ipinahayag ni Gobernador Manuel N. Mamba na pursigido siya na isasakatuparan ang muling pagbubukas ng Port of Aparri ngayong taong ito.

Ito ang kanyang nabanggit sa isinagawang kauna-unahang Management Conference (ManCom) Meeting ngayong taon,ika-10 ng Enero,2020.

Paliwanag ni Gobernador Mamba na malayo ang mararating ng lalawigan sa aspeto ng ekonomiya oras na mabuksan ang daungan sa bayan ng Aparri. Magiging daan ito aniya na magkaroon ang ating probinsiya ng ugnayan sa mga karatig nating bansa at upang mapalawig ang industriya, turismo at ang buong ekonomiya ng ating probinsiya.

Sa kasalukuyan, ayon sa Gobernador, patuloy ang pagpapatupad ng lahat ng mga proyekto sa lalawigan kasabay ng prosesong isinasagawa sa pagbubukas ng Port of Aparri, pagtatayo ng International Airport,Seaport, paggawa ng mga pangunahing tulay at marami pang iba.

Kaugnay nito,ipinahayag ni Ret.Brigadier General Rodolfo G. Alvarado, Provincial Administrator na magiging “history in the making” ang buong lalawigan ng Cagayan oras na matapos ang mga programa at mga proyektong ito, sabi ni PA Alvarado.

Samantala, nakatakdang matatapos at inaasahang papasinayaan ang limang istasyon ng Quick Response Team (QRT) sa lalawigan ng Cagayan.

Ito ay base sa ulat ni Retired Colonel Atanacio Macalan, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office Head sa ginanap na Mancom.

Ang mga limang QRT Stations na ito ay kinabibilangan ng Tuao QRT Station, Tuguegarao QRT Station, Amulung QRT Station, Lal-lo QRT Station at Gonzaga QRT Station.

Dahil dito, ipinahayag ni Gobernador Manuel Mamba na marapat lamang na makialam ang mamamayan o mga end user sa mga proyekto na ginagawa upang mabantayan ang kalidad nito. Kailangang nakatutok tayo sa mga proyekto.

“It should be incumbent upon us that before we accept the project, we must check the quality”, gusto ko maayos lahat, pahayag pa ng Gobernador.

Naging Presiding Officer si Retired Brigadier General Rodolfo G. Alvarado,Provincial Administrator ngayong unang Mancom ngayong taon.

Dinaluhan ito ng lahat ng Department Heads at Consultants ng Kapitolyo. (AIDA B. CABAUATAN)

📸 Francis Jorque