News

GOB. MAMBA, GINAWARAN NG PRESTIHIYOSONG “KAPAYAPAAN AWARD” MULA SA HUKBONG SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS (AFP)!

Iginawad ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Gob. Manuel Mamba ang kapita-pitagang “KAPAYAPAAN AWARD” para sa taong 2019 bilang pagkilala sa natatanging kontribusyon ng ama ng lalawigan para panumbalik ang kapayapaan at kaayusan sa Cagayan.

Ang pagkilala ay ipinagkaloob kay Gob. Mamba kasabay ng pagdiriwang ng Ika-84 na Anibersaryo ng AFP na ginanap sa Stakeholder Night noong gabi ng Disyembre-19, 2019 sa Kampo Aguinaldo, Lungsod ng Quezon sa Metro Manila.

Pinangunahan mismo ng dating AFP Chief of Staff General Noel Clement at National Security Adviser Hermogenes Esperon ang paggawad ng naturang pagkilala kay Gob. Mamba at ilang Non-Government Organizations.

Batay sa pahayag ng Search Committee ng AFP, hinangaan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang mga programa ni Gob. Mamba sa Cagayan partikular ang pagbaba ng mga rekurso ng pamahalaan sa lahat n bayan at barangay sa probinsiya.

Nasuri ng AFP na ang malinis na paggo-gobyerno at ang paglapit lalo ng pamahalaang lokal ng Cagayan sa mga mamamayan sa kanayunan ang nagbalik ng tiwala ng mga taumbayan sa gobyerno at otoridad.

Halimbawa dito anang AFP ay ang pagbalik-loob at muling pagsumpa ng pagkilala sa Republika ng Pilipinas ng higit isanglibong dating tagasuporta ng mga maka-kaliwang kilusan sa Cagayan tulad ng militanteng Anakpawis.

Mismong ang hanay ng buong pamunuan ng Philippine Army ang nag-nomina kay Gob. Mamba para gawaran ng “KAPAYAPAAN AWARD”.

Kaugnay nito ay nagpasalamat nama ang gobernador sa parangal na iginawad ng AFP.

Aniya, ang parangal ay alay ng ama ng lalawigan sa lahat ng mga Cagayanong tumitindig at iniwawaksi na ang karahasan tulad ng terorismo at insurhensiya na limang dekada ng naglulugmok sa kahirapan ng mamamayan. ###