News

DUMP TRUCKS NA MAY KARGANG ILEGAL NA QUARRY AGGREGATES MULA SA LALAWIGAN NG KALINGA NASAKOTE NG PINAGSAMANG PWERSA NG BANTAY QUARRY CHECKERS NG CAGAYAN AT NBI

By Eugene Carlo Caleda Tolosa, Provincial Information Office
Published 09:03 AM, January 19, 2019

PRESS RELEASE 21-01
19 January 2019

DUMP TRUCKS NA MAY KARGANG ILEGAL NA QUARRY AGGREGATES MULA SA LALAWIGAN NG KALINGA NASAKOTE NG PINAGSAMANG PWERSA NG BANTAY QUARRY CHECKERS NG CAGAYAN AT NBI

Limang Dump Trucks mula sa lalawigan ng Kalinga ang nasakote ng pinagsamang pwersa ng Bantay Quarry Checkers ng Cagayan at National Bureau Investigation sa Baranggay Maddarulug, Enrile, Cagayan.

Ito ang pahayag ni Edwin Jesus O. Buendia Jr., tagapamahala ng operasyon ng quarry sa lalawigan.
Ayon kay Buendia, isang tip ang natanggap niya mula sa isang nagmamalasakit na indibidwal na malaking bulto ng mga kargamentong boulders ang tatangkain ipasok ng kung ilang bilang ng mga truck mula Kalinga papuntang Cagayan.

Dahil sa nabanggit na tip, minabuti ni Buendia na makipag-ugnayan sa NBI para makakuha ng suporta sakaling manlaban ang mga magbibiyahe ng illegal na kargamento.

Hindi naman nagdalawang isip ang ahensiya ng NBI at antimano ay nagpadala ito ng mga ahente ng ahensiya sa katauhan nina Chris Mesa at Clide Cabasag at agad tinungo ng mga opisyal ang lugar kung saan nila huhulihin ang mga illegal na nagbiyahe ng mga boulders.

Kasama ang mga operatiba ng NBI, pinangunahan naman ni Bantay Quarry Checker Team Leader Edwin Bangayan kasama ang lima pa sa mga kawani ng Quarry Division ang naganap na paghuli sa mga sasakyan.

 

Hindi naging madali ang naganap na hulihan, sa katunayan ay nakalusot diumano ang dalawa sa mga nagbyahe ng ilegal na kontrabando. Unang nasakote ng tropa ang apat na dump trucks muna at nadagdagan pa ito ng may humabol na isa pa.

Kasalukuyang naka impound ang mga truck na nabanggit at patuloy na inimbestigahan pa ng kinauukulan kung sino ang mga nagmamay ari ng mga kontrabando at sasakyan na ito.

Sakaling walang maipakitang legal na dokumento ang mga nahuling sasakyan ay maaaring maharap sila sa kasong Theft of Minerals ayon pa kay Buendia.

Sinaluduhan naman at pinuri Cagayan Governor Manuel N. Mamba ang naganap na matagumpay na operasyon ng Bantay Quarry at NBI at sinabi pa nito na ipagpatuloy nila ang mga ganitong hakbangin para hindi sila pamarisan pa ng iba, pagtatapos ni Buendia. (EUGENE CARLO CALEDA TOLOSA)