News

DALAWANG MIYEMBRO NG MOTORCYCLE-RIDING-CRIMINALS, DEDO SA ENKWENTRO SA SOLANA,CAGAYAN!

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 01:57 PM, October 12, 2017

POLICE REPORT
Oktubre-12, 2017

DALAWANG MIYEMBRO NG MOTORCYCLE-RIDING-CRIMINALS, DEDO SA ENKWENTRO SA SOLANA,CAGAYAN!

Patay sa enkwentro ang dalawang kasapi ng isang grupo ng motorcycle-riding-criminals kagabi, Miyerkules, Oktubre-11 sa Brgy. Gadu, Solana, Cagayan.

Batay sa report ng PNP-Solana, dalawa sa limang tinutugis na mga suspek sa serye ng pang-ho-hold-up at motornapping sa mga bayan ng Solana, Enrile at Tuao ang napaslang matapos manlaban sa pulisyang nagpakat ng checkpoint sa nasabing lugar.

Una rito ay nakatanggap ng report ang PNP Solana na may limang katao na sakay ng dalawang motorsiklo ang hinoldap at tinangay ang motor ng isang Jayem Caranguian y Siringan, 19-anyos at estudyante pasado alas-8:00 ng gabi kagabi.

Habang patakas umano ang mga motorcycle-riding-criminals patungong direksyon ng probinsiya ng Kalinga ay nasalubong at hinoldap din ng mga ito ang isang Christian James Danao y Zalun, 28-anyos sabay tangay din ang minamaheho nitong motorsiklo.

Matapos matanggap ng pulisya ang ulat kaugnay sa panghohol-up sa dalawang biktima ay agarang nagpakat ng checkpoint ang pinagsanib na pwersa ng PNP Solana at Cagayan Police Provincial Office.

Naresulta ito sa pagkaka-aresto ng isang Richard Culang y Palangya, 32-anyos, may-asawa at residente ng Pinukpuk, Kalinga na nasabat na unang nasabat sa checkpoint.

Bago pa man makalapit ang apat pang kasamahan ni Culang sa checkpoint ay bumwelta ang mga ito subalit nasabat din ang mga ito ng rumeresponde pang pulisya at diumano’y pinaputukan ang mga otoridad.

Nagkaroon ng maikling palitan ng putok na nagresulta sa pagkakasawi ng dalawang hindi pa nakikilang mga suspek habang nakatakas ang iba pang kasamahan.

Narekober ng pulisya ang dalawang kinar-nap na motorsiklo, isang Honda XRM na ginamit ng mga suspek, isang 9mm Ingram, isang kalibre-38 rebolber at mga bala.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon at pagtugis ng pulisya.