News

CLEAN-UP DRIVE PARA SA TURISMO, ISINAGAWA SA BUONG LALAWIGAN

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 11:19 AM, September 11, 2017

PRESS RELEASE No. 09-09
08 September 2017

CLEAN-UP DRIVE PARA SA TURISMO, ISINAGAWA SA BUONG LALAWIGAN

Sa pakiisa sa selebrasyon ng Tourism Month sa buong bansa ngayong buwan ng Setyembre, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Clean-up Drive sa iba’t ibang lugar sa Cagayan ngayong araw ika-8 ng Setyembre, 2017.

Sabay ding nakilahok ang lahat ng bayan sa lalawigan sa aktibidad sa kani-kanilang munisipyo.

Nagtungo ang iba’t ibang empleyado ng Capitol sa Cagayan Sports Complex, Pinacanauan River, Rizal Park sa Tuguegarao City; Callao Caves at Tawi River sa Penablanca; Nassiping Eco-park sa Gattaran, at Sub-capitol sa Lallo upang maglinis sa paligid at tanggalin ang mga basurang nakapalibot sa mga lugar na ito.

Ayon kay Arnold Alonzo, Consultant ng Pamahalaang Panlalawigan sa Tourism, Culture and Arts, ang aktibidad na ito ay naglalayong mabigyan ng pokus ang eco-tourism kung saan isa sa mahalagang elemento nito ay ang pangangalaga ng kapaligiran.

“Ang clean-up drive na ito ay hindi lamang ginagawa upang mapanatiling malinis ang ating mga tourists destinations. Ito ay may impact sa komunidad dahil sa pamamagitan nito, naipapaalam natin sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng maayos, masinop at malinis na kapaligiran. Sa pamamagitan ng awareness, nakakahikayat tayo na maging bahagi din sila ng ating hangarin na mapanatiling maganda at kaaya-aya ang ating paligid, lalo na ang ating mga pinagmamalaking tourists attractions,” sambit pa niya.

Ang tema ng aktibidad na ito ay “Cagayan: Dalusan, Pabaruen, Pasyaren.” Binibigyang-diin nito na ang kalinisan ng paligid ay isang mahalagang batayan sa ganda ng isang tourist site.

“Ang tema natin ay naghahangad ding hikayatin ang lahat ng
Cagayano na maging parte ng tourism programs ng lalawigan sapagkat sa komunidad pa rin nagsisimula ang lahat.”

Kasabay naman nito, isinagawa din ang tree-planting sa bayan ng Gonzaga, bilang bahagi ng hangarin ni Gov. Manuel Mamba sa pakikilahok ng mga purok sa turismo.

Ang tree-planting na pinangunahan ng Provincial Office for People Empowerment o POPE ang simula ng pagtatayo ng mga forest parks sa buong lalawigan. Nais ng Gobernador na bawat bayan ay magkaroon ng forest park na maaaring tourist spot.

“Sadyang napakahalaga ng partisipasyon ng lahat ng Cagayano sa pagpapalago ng industriya ng turismo sa Cagayan. Sa pamamagitan ng mga ganitong mga gawain, nagkakaroon tayo ng malaking kontribusyon sa hangaring ito,” pagtatapos ni Alonzo. (MIELMIA MARIE T. BAQUIRAN)

Photos by Eugene Tolosa, Jericho Gannaban, Miko Alvarado